Ilang minuto ang dapat palipasin matapos kumain bago magsipilyo?

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 02:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ipinayo ng isang dentista sa publiko na huwag munang magsipilyo kapag katatapos lamang kumain at sa halip ay magpalipas muna ng kalahating oras bago linisin ang ngipin.

Matapos kasing kumain, nagkakaroon ng paglalaway sa bibig at ang likidong iyon ay nakatutulong para kusang maalis sa ngipin ang mga dumi, gaya ng asidong naiiwan ng mga matatamis na pagkain, sabi sa programang “Good Vibes” sa DZMM ni Dr. Arleen Reyes.

Kapag nagsipilyo agad, maaari umanong kumalat pa ang asido sa ngipin dahil hindi nabigyan ng pagkakataon ang laway na alisin ito.

“Sana makalips ang 30 minutes. Kasi kung magsisipilyo ka agad, nandoon pa ‘yong acid, hindi pa siya totally nawa-wash off ng laway,” anang doktora.

“Very good ‘yong saliva natin in washing away the sugar na nasa ngipin natin,” dagdag niya.

Nabanggit ni Reyes ang payo sa gitna ng talakayan ukol sa kung paano nakasisira ang mga maasukal at matatamis na pagkain sa ngipin.

Nagiging asido kasi ang asukal sa bibig, na siyang nakasisira naman sa enamel o iyong nakabalot sa ngipin, ayon kay Reyes.

Mainam umano ang pagsisipilyo nang 2 beses sa isang araw, lalo bago matulog.

“Basta huwag matutulog nang hindi nagsisipilyo,” ani Reyes.

Ayon din kay Reyes, mainam na pumili ng sipilyong may malambot na bristles para hindi masakit sa ngipin at gilagid.

Ipinayo rin ni Reyes ang pagpapalit ng sipilyo kada 3 buwan o kapag nakita nang nakabuka ang bristles nito.

“Kapag nakita ninyo na nagbukahan na 'yong bristles ninyo, hindi na ganoon kaepektibo 'yan, magagamit pa pero hindi na ka-effective,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.