ALAMIN: Ano ang slipped disc at mga sanhi nito

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2020 02:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kung matagal nang may pananakit sa likurang bahagi ng katawan, mainam na magpatingin sa doktor dahil maaaring nakararanas na ang isang tao ng slipped disc.

Slipped disc ang tawag kapag nagtatamo ng injury iyong mga elastikong tisyu na nasa gitna ng mga buto ng spine o gulugod, ayon sa orthopedic surgeon na si Charles Villamin.

Dahil sa injury, maaari umanong lumuwa ang malambot na bahagi at makaipit ng mga nerve o ugat na nagdudulot ng sakit.

"'Yong disc natin, sa paligid niya may matigas na cartilage... During accidents, minsan nasisira ‘yong matigas na part, lumuluwa ‘yong malambot na part palabas kaya naiipit ‘yong nerve," ani Villamin sa panayam ng “Good Vibes” ng DZMM.

Puwede raw kumalat sa ibang bahagi ng katawan ang sakit na nararamdaman sa likod.

“Kumukuryente [‘yong sakit] papuntang hita saka paa, papuntang talampakan,” paliwanag ni Villamin.

Pero nilinaw ng doktor na hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay nakaiipit ng ugat ang slipped disc at hindi rin nangangahulugang kapag may slipped disc ay mapaparalisa na ang isang pasyente. 

Maaaring magka-slipped disc iyong mga taong may active lifestyle o dumaan sa mga aksidente.

Puwede ring magkapinsala sa disc dahil sa pagtanda, ayon kay Villamin.

"'Yong disc natin is like any living tissue sa katawan natin, puwede siyang mag-degenerate... Especially sa elderly, mahina na 'yong quality ng cartilage nila in between the spine," aniya.

Maaaring dumaan sa physical therapy ang isang taong may slipped disc “para lumuwag ‘yong daanan ng ugat sa likod,” ani Villamin.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.