Kailan dapat paghandaan ang pangmatrikula ng anak?

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 03:14 PM | Updated as of Feb 19 2019 03:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kailan nga ba ang tamang panahon para pag-ipunan ang edukasyon ng anak?

Ayon sa financial planner na si Garry De Castro, mainam nang pag-ipunan ang matrikula ng anak bago pa ikasal ang mga magulang.

"Actually bago mag-asawa dapat pinaghahandaan na 'yan eh. Isa sa pinakamalaking chunk ng expenses ng buhay ng isang tao lalo na 'pag nagkaanak ka ay ang edukasyon ng isang anak," ani De Castro sa "Sakto" ng DZMM.

"So the earlier na mas possible, mas maganda kasi mas mahaba ang time mo para ma-maximize ang earnings mo," dagdag niya.

Malaki rin aniya ang inilalaan ng magulang sa edukasyon kada taon lalo na't nasa P50,000 hanggang P100,000 ang matrikula ng ilang pribadong paaralan ngayon.

Ayon pa kay De Castro, mainam na may "target" o minamataang paaralan ang magulang para sa kanilang anak para matantiya na ang kanilang budget lalo na't iba iba ang matrikula depende sa papasukang paaralan.

Pero ipinayo ni De Castro na dapat kaakibat ito ng nakukuhang suweldo sa trabaho.

"Kung ang target natin (na paaralan) napakataas ta's yung income mo ganito lang, baka medyo imposibleng makarating ang target," aniya.

Para malaman kung magkano ang ilalaan sa suweldo, dapat daw sundan ang "Paretos Principle" kung saan 80 porsiyento ng nalilikom na suweldo ang napupunta sa mga pangunahing bilihin, habang 20 porsiyento naman ay napupunta sa itinitipid, kabilang ang edukasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.