'Para terno kami': Babae, nagbihis pangkasal sa burol ng mister

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2018 04:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tampok sa segment na "TLC" ng "ASAP" nitong Linggo ang kuwento ng babaeng sinuot ang kaniyang wedding gown sa burol ng kaniyang mister.

Kuwento ni Margarita Santos-Dela Rosa, 24 anyos siya at ilang beses nang dumaan sa mga bigong relasyon nang makilala ang lalaking sa huli ay kaniyang makaka-isang dibdib.

Pero sa simula pa lang ay batid na ni Dela Rosa ang karamdaman ng kaniyang iniibig.

"More than a year na kaming mag-boyfriend-girlfriend, nagkaroon pala siya ng partial blindness dahil ... napakahirap pala ng sakit na asthma," kuwento ni Dela Rosa.

Taong 1994, makalipas ang isang taon ng pagiging magkasintahan, nagpasya ang dalawa na magpakasal.

Aminado si Dela Rosa na hindi naging madali ang kanilang pagsasama dahil kaakibat nito ay ang patuloy na pag-aalala hinggil sa kalusugan ng mister.

"Part ng routine namin nga 'yong tungkol sa sakit niya," aniya.

Hanggang sa dumating ang pagkakataong binawian na ng buhay ang lalaki dahil sa komplikasyon sa paghinga.

Si Dela Rosa pa mismo ang nagsugod sa mister sa ospital.

"Noong sinabi ng doktora na 'Ma'am, wala na siya,' inakap ko na lang siya."

Ayon kay Dela Rosa, sa pagnanais na kahit papaano ay magunita ang pag-iibigan nila ng mister, isinuot niya ang kaniyang damit pangkasal sa burol.

"During the wake, wala ako ginawa kung hindi umiyak lang ng umiyak," kuwento ni Dela Rosa. "Nilabas ko wedding gown ko, sabi ko, 'Isusuot ko rin 'to para terno pa rin kami.'"

Mula noon ay hindi na muli nagkaroon ng nobyo ang 48 anyos na si Dela Rosa.

Hindi naman umano nabago ang kaniyang pananaw sa pag-ibig pero nadagdagan lang aniya ng pangamba.

"Ang pag-ibig para sa'kin ay pagbibigay ng sarili mo sa taong minamahal mo," ani Dela Rosa. "Buong puso, lahat ng oras, ibibigay mo."

Handog nina Daryl Ong at Kyla ang awiting "Someone To Watch Over Me" para kay Dela Rosa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.