SILIPIN: Interactive 3D museum sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2020 07:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa tamang pag-pose at pag-anggulo ng kamera, malilinlang ang mga mata ng iba na mistulang bahagi ang isang tao ng mga painting na tampok sa isang interactive 3D museum sa Quezon City.

Taong 2014 nang buksan ang Art In Island sa Quezon City na itinuturing na ikalawa sa pinakamalaking 3D art museum sa Asya.

May higit 180 artwork ang nasa museo na pininta ng 14 Korean artists sa loob ng 4 na buwan.

“Sa ibang gallery, hindi natin puwedeng hawakan ‘yong designs. So dito, free tayo makapag-interact sa paintings through walls and floors,” sabi ni Lyndon Domingo, marketing and designs associate ng Art In Island.

Isa sa mga atraksyon sa museo ang sikat na painting na “The Starry Night” ng Dutch artist na si Vincent van Gogh. 

May espasyo sa gitna ng frame at mismong scenery sa painting kung saan puwedeng sumingit ang bisita, at kapag kinuhanan ng retrato ay mistulang bahagi ng artwork ang bisita.

Noong 2018 naman dinagdag sa Art In Island ang Hiwaga, isang zone tampok ang mga glow in the dark na painting.

Namangha naman ang “Matanglawin” guest co-host at “It’s Showtime” dancer na si Jackie Gonzaga nang bisitahin ang museo.

“Ang amazing kasi parang totoo talaga na kasama ka sa artwork, lalo na kapag picture,” aniya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.