'Pagmamahal di katumbas ng pagiging martir'

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 08:17 PM

Taliwas sa pang-unawa ng ilan, hindi maituturing na unconditional love ang pagpapakamartir ng isang taong nasa relasyon, ayon sa isang psychologist. 

Ang unconditional love ay tumutukoy sa pag-ibig na walang kondisyon o hinihinging kapalit subalit madalas daw ay itinutumbas ito ng mga tao sa pagtitiis para sa taong minamahal.

"Kasi nadidinig ko ang karamihan na definition ng unconditional love, 'titiisin ko, I will sacrifice, martir,'" ni Dr. Julian Montano sa programang "Sakto" ng DZMM.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero ayon kay Montano, na isa ring marriage counselor, kontra na ang pagtitiis o pagiging martir sa kahulugan ng salitang pag-ibig.

"Kung iisipin natin, ano ibig sabihin ng love? Ang ibig sabihin ng love is gusto ko iyong kabutihan para sa iyo, I want to care for you," paliwanag ni Montano.

"Kung may mali na ang ginagawa at ito-tolerate ko iyon, is that love?" aniya.

Isa sa mga sitwasyong tinalakay kaugnay sa pagpapakamartir ay ang pagtitiis ng isang tao sa pananakit o pang-aabuso ng kaniyang karelasyon.

"For me, hindi 'yan love, nakakasama sa iyo 'yon eh, sa pareho. Sa aking sinasaktan pero sa iyo rin nakakasama iyon, na nananakit ka," ani Montano.

Para kay Montano, dapat ay itinatama ng isang tao ang pagkakamali ng kaniyang karelasyon sa halip na tinitiis ito. 

Inihalintulad niya ang ganoong sitwasyon sa pagtatama ng magulang sa mga pagkakamali ng anak nito.

"Kapag nagkakamali ang anak mo, papabayaan mo ba siya? Pinaparusahan mo siya pero ibig sabihin ba noon, hindi mo na siya mahal? Mahal mo nga siya kaya mo siya pinaparusahan," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.