'Pet ko date ko': Pre-Valentine's event ng Malabon Zoo dinagsa

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2020 03:15 PM

MAYNILA — Dumagsa sa Malabon Zoo nitong Linggo ang maraming pet owners para sa "Pet Ko Date Ko," isang taunang event ng establisimyento na ginagawa bago ang Valentine's Day.

Ayon kay Manny Tangco, founder ng Malabon Zoo, in-organize niya ang naturang event para iparamdam sa mga alagang hayop na parte din sila ng mga pamilya.

"Maging alagang hayop deserve din nila na sila'y mahalin kaya ginagawa natin itong pagtitipon na ito," ani Tangco.

Ang mga asong dinala sa event, nabigyan ng grooming services gaya ng tabas sa buhok, kuko, at iba pang paglilinis.

Isinabay din doon ang pagbabasbas sa mga alagang hayop.

Si Daryl Supan, isa sa mga nakilahok sa event, sinabing bata pa lang siya ay nahilig na siya sa mga hayop dahil sa impluwensiya ng kaniyang mga magulang.

"Nakuha ko sa aking magulang ang pagmamahal sa hayop gaya sa pag-aalaga ng aso. Bata pa lang ako nag-aalaga na ako ng aso. Ngayon ito din ang ipinapasa ko sa aking anak: ang pagmamahal sa alagang hayop."

Payo naman ni Tangco, dapat alagaan ang kalikasan dahil mga hayop ang magiging apektado kapag nasira na ito.

"We should protect our mother nature especially our forest. Kasi kung mauubos ang kagubatan, mawawalan ng magiging tirahan ang mga hayop," aniya.

Ito na ang ikalimang taong idinaos ang "Pet Ko Date Ko" event.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.