Aling animal signs ang 'suwerte' sa Year of the Pig?

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2019 08:17 PM | Updated as of Feb 05 2019 09:17 PM

(UPDATED) Suwerte sa Year of the Pig ang mga animal sign na rat, tiger, rabbit, sheep, at pig, ayon sa feng shui expert na si Master Hanz Cua. 

"Ang Year of the Pig ay nagdadala ng kasaganahan, prosperity, good luck po iyan sa mga negosyante. This is a great year sa inyo, mag-venture na sa business expansion," ani Cua.

Watch more in iWant or TFC.tv

RAT

Sa mga ipinanganak ng Year of the Rat, magandang taon ito para kumuha ng exam dahil sa career at wisdom stars.

Kung papasok sa negosyo, mainam umanong may kinalaman sa apoy, pagkain, at social media. Sa kalusugan, umiwas naman daw sa mga problema sa mata at sikmura. 

Makatatagpo rin daw ng pag-ibig ang mga ipinanganak ng Year of the Rat sa Pebrero, Marso, Abril, Hunyo, Nobyembre, at Disyembre. 

OX 

Pabor din sa mga ipinanganak ng Year of the Ox ang taong ito dahil sa magandang output ng harvest stars. 

Ibig sabihin, may pabuyang makukuha kay boss o sa pansariling negosyo.

Masaya rin daw ang love life ng mga Ox pero kailangan tutukan ang kalusugan laban sa sakit sa puso.

Bilang pangontra, iwasan umanong matulog sa northeast side ng kuwarto o maglagay ng isang basong asin o Wu Lou. 

TIGER

Pinakamasuwerte naman daw ang Year of the Tiger.

Mas magiging maganda daw kung papasok sa business partnerships o kaya mga negosyong may kinalaman sa social media at lighting.

Mainam umanong magsuot ng charms na Wu Lou dahil mas lapitin sa sakit ang mga ipinanganak noong Year of the Tiger, at maglagay ng Tai Sui cards sa wallet.

RABBIT

Kung ipinanganak noong Year of the Rabbit, dadami ang inyong benta at magandang panahon din daw ang Year of the Pig para palaguin ang negosyo, lalo kung may kinalaman sa pagkain.

Mainam din daw ang pagkakaroon ng baby.

Kung single, ipinapayo ang pagsusuot ng rose quartz.

Mag-display din daw ng prosperity bag para suwerte sa negosyo at pera.

DRAGON

Para naman sa mga ipinanganak ng Year of the Dragon, malaki ang tsansang tumaas ang benta pagkatapos ng Hulyo subalit may banta ng kataksilan, pandaraya, at politika.

Bilang pangontra, mainam ang pagsabit ng anti-evil eye charms, rhinoceros at paglalagay ng isang basong tubig sa southeast na bahagi ng bahay.

SNAKE

Posible namang hindi maganda ang Year of the Snake dahil karibal ng baboy.

Hindi raw maganda ang Year of the Pig para magkaanak ang mga ipinanganak ng Year of the Snake.

Pinag-iingat din ang mga single na Year of the Snake sa mga paasa at pinayuhang habaan ang pasensiya. 

Puwede raw pangontra ang rhinoceros, paglalagay ng isang basong tubig sa southeast na bahagi ng bahay, pagsusuot ng anti-evil eye charms at Wu Lou, at paglalagay ng Tai Sui sa wallet.

Watch more in iWant or TFC.tv

HORSE

Ayon pa kay Cua, puno rin ng oportunidad ang Year of the Pig para sa mga ipinanganak ng Year of the Horse dahil maraming raket at trabahong naghihintay.

Patok na pasuking negosyo ang may kinalaman sa tubig. Kailangan lang daw mag-ingat sa mga pinipirmahang dokumento.

Masayang pagsasama at stability sa pampinansyal na aspeto ang naghihintay para sa mga mag-asawa. Makahahanap naman daw ng long-term relationship ang mga single.

Pero kailangan umanong bantayan ang kalusugan, lalo na pagdating sa reproductive system.

Hamon din sa mga horse ang anger issue pero maaari naman daw magsuot ng amethyst bilang pangontra at para kumalma.

Maganda rin ang pag-display ng prosperity pig at money tree, ani Cua.

SHEEP

Dahil mabuting kaibigan ng pig ang sheep, maraming opportunity stars ang naghihintay ngayong 2019 para sa mga ipinanganak noong Year of the Sheep.

Mainam na negosyo ang may kinalaman sa delivery at transport.

Magandang taon din daw ito para magkaroon ng baby, at kung single naman ay mahahanap na ang "the one."

Sa kalusugan, pinapayuhan ang mga sheep na bantayan ang puso at baga.

MONKEY

Tuloy-tuloy naman daw ang suwerte sa karera para sa mga Year of the Monkey.

Kailangan lang daw iwasan ang pag-ibig sa opisina, at third party at tsismis para sa mga mag-asawa.

Para maiwasan ang pagtataksil, puwedeng magtali ng pulang lasso sa amethyst at ilagay ito sa ilalim ng higaan ng karelasyon.

Maging alisto rin umano sa mga sakit na may kinalaman sa buto at likod.

ROOSTER

May malaking pera namang papasok sa mga Year of the Rooster.

Pagkakataon na rin daw ito para sa mga gustong magtrabaho sa ibang bansa.

Pinapayuhan din ang mga rooster na mag-display ng money bar para sa wealth star at dagdagan ang pag-inom ng tubig para makaiwas sa sakit sa tiyan.

DOG

May winning at success stars naman daw para sa mga may animal sign na dog.

Maghanda raw ang mga dog sa mga award, at maganda ring pumasok sa negosyong may kinalaman sa restoran at online selling.

Maganda rin ang fertility stars para sa mga mag-asawa.

Maaari naman daw mag-display ng abacus, money frog at wealth-inviting cat para mas dumami ang benta ng mga negosyanteng ipinanganak noong Year of the Dog. 

PIG 

Tagumpay naman ang naghihintay para sa mga Year of the Pig.

Maganda ang pasok ng pera ngayong 2019.

Mainam na mag-display umano ng prosperity bag at Buddha, sa bahay man o sa negosyo.

Masuwerte rin para sa mga mag-asawa na magkaroon ng baby.

Kailangan lamang daw palakasin ang immune system o resistensiya.

Pinaiiwas ang paglalagay ng maiingay na bagay tulad ng radyo, telebisyon, doorbell at iba pa sa northwest na bahagi ng bahay.

Pangontra rin umano sa malas ang Tai Sui cards sa wallet. -- Ulat ni Winnie Cordero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.