'ASAP': Mga estudyanteng 'hearing impaired' hataw sa pagsayaw

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 02:45 PM | Updated as of Jan 27 2019 02:48 PM

Ang sayaw ay para sa lahat, kahit sa mga hindi nakaririnig ng musika.

Ito ang napatunayan ng Mindoro H.I. (Hearing Impaired) Dance Troupe, isang grupo ng mga mananayaw na binubuo ng mga estudyanteng “hearing impaired” o may kapansanan sa pagdinig mula Oriental Mindoro National High School.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsisilbing coach ng grupo ang 48 anyos na si Rhodora Barojabo, guro ng MAPEH (music, arts, physical education and health) sa naturang paaralan.

Ipinaliwanag ni Barojabo, na 27 taon nang guro sa paaralan, na napasasayaw niya ang mga estudyante sa pamamagitan ng pagbibilang.

“Ang pagtuturo ko sa kanila kasi ng sayaw, mirror type. Magkaharap kami ganyan, gagayahin nila ako,” ani Barojabo sa programang “ASAP” nitong Linggo.

 “'Pag inilapat mo 'yan sa tunog, dahil nga nakakapagbilang naman sila, nakikita mo na nakakasunod sila doon sa ritmo. Minsan 'pag malakas 'yong music, nafi-feel nila 'yon,” aniya.

Ayon sa miyembro ng grupo na si John Canilang, nang tumagal siya sa grupo ay nagkaroon siya ng kumpiyansa sa sarili pagdating sa sayawan.

“Dati nahihiya akong sumayaw. Ngayon, I can do it... Brave na ang pagda-dance ko,” sabi ni Canilang, 19, sa pamamagitan ng sign language.

“If others can do it so can we,” sabi naman ng 18 anyos na miyembrong si Yurika Nanri sa pamamagitan din ng sign language.

Itinuturing ni Barojabo na tagumpay tuwing natuturuan niya ng sayaw ang mga estudyante.

"Kung ikaw ay isang nanay na napalakad mo 'yong anak mo pagdating ng ganoong edad, 'di ba tuwang-tuwa ka? Iyon ang feeling ko once na natapos ko na silang turuan,” sabi ni Barojabo.

Pinarangalan si Barojabo noong 2009 bilang Bayaning Gurong Pilipino sa Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino Awards.

Humataw sa “ASAP” stage ang Mindoro H.I. Dance Troupe sa kantang “24K Magic” ni Bruno Mars, na inawit sa programa nina Billy Crawford, Jay-R at Sam Concepcion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.