Mga aso at pet lover, enjoy sa 'Paw park' sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 06:36 PM

DAVAO CITY - Binuksan na sa publiko ang pinakaunang "paw park" sa Davao City nitong Linggo ng umaga.

Ang paw park ay nasa loob ng Azuela Cove sa Lanang, Davao City at libre ang parke sa lahat ng mga aso at dog handlers o owners pero mayroong mga rules na dapat sundin sa loob ng paw park.

Kabilang sa rules na bawal kumain at manigarilyo sa parke. Kinakailangan ring kumpleto sa bakuna ang aso na ipapasok sa parke. Kinakailangan ring mahigit 4 buwang gulang ang aso at kailangang linisin agad ang dumi ng aso.

"Ang mga certain rules na i-apply is benefit sa pumupunta dito sa park to maintain health and conditioning sa kanilang dog, isa dalawa o tatlong dog ang inaadmit didto this is open for public," paliwanag ni Quinn Jarabelo, manager ng parke.

Nasa 1,000 square meters ang lawak ng park na kabilang sa mga pasilidad na makikita sa Azuela Cove.

Mayroong mga obstacle course sa loob ng nakakabakod na parke na maaring gamitin ng mga aso sa kanilang paglalaro.

Kabilang sa mga unang nakagamit sa paw park ang 5 taong gulang na si Flirt na may breed na Jack Russell.

Ayon sa fur parent na si Nhel Golloso, malaking tulong ang paw park dahil parating nag-eensayo si Flirt sa agility sports.

Si Flirt ay 2-time most valuable player sa National Dog Agility Sports.

"As a dog lover malaking tulong ito sa amin kasi mahirap maghanap ng lugar para magkaroon ng activity ang aso. This is a very good help to us a very good avenue mastrengthen namin ang bonding with our dogs through play and games," paliwanag ni Golloso.

Nag-enjoy naman ang mga aso sa agility, frisbee at basic obedience training.

Plano ng Belgian Malinois Davao Incorporated, na siyang nangangasiwa sa paw park, na magsagawa pa ng mga aktibidad para sa mga aso at kanilang mga fur parents.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.