TJ Manotoc, ibinahagi kung paano nalampasan ang depresyon

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 10:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kaniyang 17 taon sa broadcasting, naging kilala nang sportscaster at news anchor si TJ Manotoc. Pero sa kabila ng pagiging masayahin at masigla, minsan na rin siyang nakaranas ng depresyon.

Kamakailan lang, ibinahagi ni Manotoc ang kaniyang kuwento sa isang video. 

“Nagsimula ‘yun nu'ng I was about 14 years old, muntik na ‘ko ma-kick out sa Ateneo. Talagang nag-aral ako non-stop… And then after no’n one night, di ako makatulog. napapraning ako, nagha-hyperventilate ako, nagpa-palpitate ako,” kuwento niya. 

Nagpatingin si Manotoc sa doktor at natuklasan nila na mayroon siyang insomnia at anxiety attack na mga sintomas ng isang major depressive disorder. 

“Wala naman nang-away sa’kin, di naman ako pinagalitan ng nanay ko, pero sobra sobrang lungkot ng pakiramdam,” aniya. 

Ayon sa mga doktor, ang pinakamabigat na dahilan ng kaniyang depresyon ay lumaki si Manotoc na walang ama, bukod sa pressure sa eskuwelahan.

“First year college at ‘yung mga classmates ko sa high school, gusto nilang magka-reunion, may malaking baso ng beer may shot pa ng whisky, pag-uwi ko nag-trigger na naman ng anxiety attack. Pininturahan ko ‘yung walls ng mga cross para feeling ko mas protektado ako,” kuwento niya. 

Tatlong araw hindi nakatulog si Manotoc at dinala siya ng mga doktor sa psychiatric ward para mapatingnan.

Nagdesisyon din ang kaniyang ina na dalhin siya sa Amerika.

Sinubukan ni Manotoc ang iba't ibang klase ng traditional treatment gaya ng meditation, exercise, at acupuncture. 

Unti-unting gumaling si Manotoc nang mahanap niya ang balanse ng emosyon at pag-iisip. 

Natutunan niya ring i-manage ang stress at harapin ang problema. 

“Naintindihan ko ‘yung power of the mind. Kailangan mayro’n kang 100 percent desire na gumaling. Do’n ‘yung simula ng acceptance na ito ‘to eh. Ito ‘yun eh mayro’n akong ganitong kondisyon,” kuwento niya. 

Sa ngayon, nais ni Manotoc na makatulong sa mga tulad niya at isa lang ang video na nilabas niya sa mga kuwento ng mga nakabangon sa depresyon na ibabahagi niya.

“Don’t ever ever give up. Gaya ko nakayanan ko lahat ng hirap na pinagdaanan ko, at ngayon pinapasa ko sa inyo ‘yung aking message of hope, message of survival. Kung mayro’n kang pinagdadaanan ngayon, pangako ko sa 'yo, you will be alright,” mensahe ni Manotoc.

-- Ulat ni Gretchen Ho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.