Kailan, paano sasabihin sa bata na siya ay ampon?

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2020 12:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mainam na habang maaga ay ipaalam na ng foster parent sa anak nito na siya ay ampon, ayon sa isang eksperto.

Sa panayam ng programang "Sakto" ng DZMM, sinabi ng relationship and parenting consultant na si Maribel Dionisio na 7 taong gulang o pababa ang mga wastong edad para ipaalam sa batang ampon na siya ay kinupkop at itinuring na tunay na anak.

"Ang tamang panahon ay before age 7 alam na nila," aniya.

Ipinaliwanag ni Dionisio na kapag matagal na itinago ang pagiging ampon ng isang bata ay maaari raw itong magkaroon ng mga maling impresyon.

"Kasi ang pakiramdam nila kapag tinago natin, 'Bakit may diperensiya ba na ampon ako?'" ani Dionisio.

Mas madali raw natatanggap ng mga batang nasa edad 7 pababa ang mga ganoong rebelasyon.

"Wala pa sa kanila 'yong mga label, ang importante 'yong relasyon," ani Dionisio.

Hangga't maaari ay huwag din daw biglain ang bata ukol sa pagiging ampon nito.

Isa sa mga diskarteng ipinayo ni Dionisio ay ang paulit-ulit na pagpaparinig sa bata sa maayos na paraan na ampon ito hanggang sa magtanong ito.

"Before age 7, from the time na nakuha mo 'yong batang 'to, binabanggit mo na ito ay adopted, naririnig na niya so it becomes normal in the conversation," ani Dionisio.

"Parang [in] passing lang. Naririnig niya. Later on, magtatanong siya, 'Ano 'yong adopted?' [tapos] ikuwento mo."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.