'Viva Pit Senyor': Sto. Niño, binigyang pugay sa iba't ibang panig ng bansa

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2018 09:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi alintana ang sama ng panahon para sa mga debotong nakiisa sa Sinulog Grand Parade, na bahagi ng pagdiriwang ng pista ng Sto. Niño sa Cebu City nitong Linggo.

Napuno ng kulay ang mga kalsada ng lungsod kasabay ang mga pagtatanghal ng nasa 30 kalahok.

Hindi nagpatinag ang mga Cebuano at iba pang debotong lumahok bagaman umulan noong umaga at mataas ang tubig sa bahagi ng ruta ng parada.

Sigaw nila ang "Pit Senyor!" habang binabaybay ang mga kalsada.

Nakisaya rin ang ilang mga artista ng Kapamilya network sakay ng karosa ng ABS-CBN, kabilang ang cast ng teleseryeng "Asintado" at "Sana Dalawa ang Puso."

Aklan

Sa Kalibo, Aklan, dinayo naman ng mga turista at deboto ang St. John the Baptist Cathedral para ipagdiwang ang Ati-atihan Festival, na binibigyang pugay din ang imahen ng batang Hesus.

Marami ang pumila para "palapak," kung saan ang maliit na imahen ay inihahaplos sa noo at iba-ibang bahagi ng katawan

Buhay na buhay ang pagdiriwang "sadsad" o pagsayaw sa daan kasama ang mga tribo ng ati-ati.

Tondo

Libo-libong deboto naman ang nakiisa sa pista ng Sto. Niño sa Tondo.

Kasama ipinrusisyon sa daang-taong imahen ng Sto. Niño ang imahen ng Birheng Maria at San Jose.

Nakisama rin sa parada ang daan-daang replika ng Sto. Niño lulan ng mga karosa, pedicab at traysikel.

Matapos ang prusisyon, binendisyunan ang mga replika sa gilid ng simbahan sa bawat pagtatapos ng mga pang-umagang misa.

Mahaba rin ang pila sa "pahalik" sa replika ng imahen ng batang Hesus.

Isinabay rin sa okasyon ang pagbinyag sa halos 800 bata.

-- Ulat nina Jude Torres, Cherry Palma, Abner Mercado, at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.