Maayos na pagsasama ng stepparent, stepchildren paano makakamit?

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 03:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa mga hamon para sa mga maga-asawa ng taong may anak na ay ang pagbuo at pagpapanatili ng maayos na relasyon sa anak nito.

Ayon sa isang eksperto, ang pag-umpisa sa pagbuo ng maayos na relasyon sa stepchild ay hindi lamang responsibilidad ng steppparent (madrasta o madrasto) kundi maging ng partner nito na biological parent ng bata.

"Ang responsibilidad nasa stepparent talaga. Doon dapat magsimula. Hindi lang 'yong steppparent kundi iyong kaniyang partner," anang relationship and parenting consultant na si Maribel Dionisio sa panayam ng "Sakto" sa DZMM.

Ayon kay Dionisio, kailangan matibay ang pagsasama ng mag-asawa at pag-usapan nila kung paano magkasamang palalakihin ang mga bata.

May mga pagkakataon daw kasing kapag hindi matibay ang relasyon ay nagkakaroon ng kampihan sa pagitan ng biological parent at ng anak.

"Take care of your marriage first. Kasi kung minsan 'yong iba nagkakaroon ng alliance, [sinasabi] 'Anak ko 'yan, hindi mo anak 'yan,'" paliwanag ni Dionisio.

"Kapag matibay ang buhay mag-asawa then together, they will parent the children," dagdag niya.

Hindi rin dapat basta-basta manghihimasok iyong stepparent sa kaniyang stepchild.

"Hindi puwede 'yong stepparent na parang papasok kaagad na parang siya 'yong magulang. Kailangan dahan-dahan 'yan eh, through the spouse, the [biological] parent," ani Dionisio.

Kailangan ding pag-usapan ng bagong mag-asawa ang kanilang mga istilo ng pagpapalaki sa mga bata, ayon kay Dionisio.

Ayon kay Dionisio, habang mas bata ang stepchild, mas madaling makapapasok "sa eksena" ang stepparent.

"Kapag below 7 [years old], kadalasan madali pang pumasok sa eksena si stepparent [kasi] parang lumaki na sa kaniya 'yong bata," paliwanag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.