ALAMIN: Pinsalang maaaring idulot ng volcanic ash sa mga mata

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 02:39 PM

Nagbabala ang isang doktor ukol sa pagkalantad ng mga mata ng tao sa volcanic ash na ibinubuga ng nag-aalborotong bulkang Taal, na maaari umanong mauwi sa pagkagasgas o pagkabulag.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang volcanic ash kasi ay may taglay na maliliit na butil ng silica, na kadalasang kahalo din ng buhangin, at mga kemikal na maaaring makapinsala kapag umabot sa mata, ayon sa ophthalmologist na si Justin Manlongat.

"Aside from physical na damage doon sa mismong mata, 'yong mga kemikal na 'yon, puwede ring makairita doon sa mata," ani Manlongat, na miyembro ng Philippine Cornea Society.

Ang mga maliliit na butil sa volcanic ash ay maaaring makasugat sa mata habang iyong mga kemikal ay maaaring magdulot ng allergic o toxic reaction, na puwedeng mauwi sa pagkabulag. 

"Halimbawa, 'yong ashfall o mismong fragments, pumunta doon sa cornea, so puwede iyong ma-embed doon sa cornea, it can potentially cause infection," paliwanag ni Manlongat.

"Kapag napabayaan, we call that a corneal ulcer, 'yon 'yong puwedeng mag-cause ng decrease doon sa paningin ng pasyente and potentially, blindness," aniya.

Iwasan din ang paggamit ng contact lens dahil maaari itong makaipon ng volcanic ash na puwedeng maging sanhi ng pagkagasgas ng mata, sabi ng doktor.

Ipinayo ni Manlongat sa publiko, lalo sa mga taong malapit sa bulkang Taal, na manatili na lang sa loob ng bahay o mga gusali para hindi malantad sa abo.

Kung kinakailangang lumabas, mainam umanong magsuot ng goggles para maprotektahan ang mga mata.

Iwasan din daw ang pagkuskos sa mata kapag napuwing o napasukan ng ano mang butil, mapa-ordinaryong alikabok man o ashfall, dahil sa halip na makatulong ay mas nakakapinsala pa raw ito.

Kapag napuwing o napasukan ng mga butil ng ashfall ang mga mata, payo ni Manlongat na linisin ang mata sa loob ng 5 hanggang 10 minuto gamit ang running water.

"Just wash it continuously until comfortable kayo," aniya.

Kung hindi pa sigurado sa kaligtasan ng mata matapos hugasan, saka umano magkonsulta sa doktor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.