ALAMIN: Impulse buying, paano maiiwasan?

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 02:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naranasan mo na bang mapabili sa mall nang hindi planado dahil naakit ka rito, para lang din malaman kalaunan na hindi mo rin naman pala ito kailangan?

Ang nabanggit na sitwasyon ay halimbawa ng impulse buying na inilarawan ng financial planning expert na si Pearl Joy Gonzales bilang "matinding pagnanasa na bumili ng isang bagay na hindi naman kailangan, hindi importante, at hindi planado."

Dahil maaaring makasakit sa pitaka ang paulit-ulit na impulse buying, nagbahagi si Gonzales ng tips para makaiwas sa maaksayang pagbili:

NEEDS AND WANTS

Ipinayo ni Gonzales sa mga mamimili na tukuyin ang kanilang pangangailangan na siyang dapat unahin sa mga gastusin, sa halip na mga luho.

"Ano ba 'yong importante? 'Yong bills na kailangan nating bayaran buwan-buwan. Kailangan alam natin ano 'yong priority natin, mga gastusin sa bahay," ani Gonzales, na mula rin sa financial comparison website na iMoney Philippines.

MAG-SET NG BUDGET

Mainam din sa mga mamimili na itala ang bawat napupuntahan ng sahod, ayon kay Gonzales.

Dapat din ay alam kung magkano ang kaniyang kinikita at kung magkano ang lumalabas mula rito.

"Importante malaman kung saan napupunta 'yong bawat sentimo na pumapasok sa iyong suweldo, kung namo-monitor mo ba 'yong expenses mo," aniya.

IMPULSE BUDGET

Pero hindi rin naman nangangahulugang ipagkait sa sarili ang mga gustong bilhin habang nama-manage nang maayos ang pera.

"Kailangan i-reward rin naman natin ang sarili. Mag-allocate din tayo ng budget [para sa luho]," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.