Lalaking may hearing impairment nagtayo ng cafe para sa kapwa-PWDs

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 03:54 PM | Updated as of Jan 17 2020 04:32 PM

Tatlo ang kasamang staff ni Janmar Mangosong, at lahat sila ay deaf and mute. Screengrab

ROSARIO, La Union — Isang lalaking may kapansanan sa pandinig ang nagtayo ng coffee shop sa bayan na ito bilang bahagi ng kaniyang adbokasiyang makatulong sa kapwa niya persons with disability (PWD). 

Kuwento ni Janmar Mangosong, 24, noon pa man ay mahilig na siyang magluto at magdisenyo ng iba't ibang arts and crafts. 

At para makatulong, naisipan niyang magnegosyo at bigyan ng trabaho ang iba pang may kapansanan sa pandinig at pagsasalita. Dito nabuo ang JM's Kitchen. 

"Noong nag-graduate na kami ng senior high kasi hindi kami makapag-aral ng college then sinet up ko itong negosyo para matulungan ko ang mga kapwa ko," sabi ni Mangosong.

Tatlo ang kasamang staff ni Mangosong, at lahat sila ay deaf and mute.

Isang buwan nilang pinagtulungang tapusin ang disenyo ng cafe pati timpla ng mga pagkain.

Ilan sa kanilang putahe ay garlic chicken in fruits and veggies, tuna pasta, at pancit guisado. Lahat ng ito ay swak na swak sa budget.

Ang mga kostumer, isinusulat ang order sa isang slip.

"I like it. Gusto kong i-promote ito dahil sa sitwasyon nila, susuportahan natin sila," ayon sa kostumer na si Estella Dacanay.

Kapansin-pansin din ang temang "love your family" sa munting kapihan. Inspirasyon daw dito ni Mangosong ang kaniyang nanay.

Proud naman ang ina ni Mangosong sa kaniyang mga narating. 
 
"He is my lucky child, kaya lahat ng gusto niya, kahit di namin kaya kasi mahirap lang naman kami, binibigay namin sa kaniya. Mula kasi noong nandiyan siya, gumaan ang buhay namin tapos magaan ang pagsasama naming pamilya," sabi ng ina niyang si Mary Ann. 

Hangad ngayon ni Mangosong na maging inspirasyon siya sa mga kapwa PWD. 
 
— Ulat ni Maira Wallis, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.