Evening gowns ng Pinoy designers ibinida sa Miss Intercontinental

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2019 09:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpatalbugan noong Miyerkoles ang mga kandidata ng Miss Intercontinental 2019 sa kanilang evening gown at swimsuit competition.

Sentro ng atensiyon ang gawang Pinoy gowns na inirampa ng 83 kandidata.

Inspirasyon umano ng ilan sa mga gown ang mga bagay na natatangi sa mga lugar na pinagmulan ng mga designer.

"Very proud naman kami na as a designer from Quezon, far away from Manila, we've been considered," anang designer na si DJ Abustan.

"My inspiration is the bakawan, Philippine mangroves of Siargao... Because for me, I want to dress the candidates not to impress but to spread awareness as well," sabi naman ng designer na si Jerick Dela Rosa.

Nagwagi sa evening gown competition ang gown ni Chico Estiva na sinuot ni Karolina Granat, ang pambato ng Belarus.

Nagpasiklab din ang mga kandidata sa swimsuit competition.

Nanalong best swimsuit si Gabriela Natasha Soley ng Paraguay habang nakakuha naman ng Body Beautiful award ang pambato ng Pilipinas na si Karen Gallman.

Ayon kay Gallman, hindi na niya iniisip ang pressure at enjoy na lang sa pag-asikaso sa mga kapwa kandidata.

"I've made a lot of friends," ani Gallman.

"Sobrang nakaka-touch kasi ang daming nagsasabi sa 'kin, lumalapit sa 'kin na sobrang saya raw dito sa Pinas. Ang mga Filipino daw sobrang bait... When they tell me that parang naiiyak talaga ako," dagdag niya.

Sunod na maghaharap ang mga kandidata sa preliminary competitions at mismong coronation night na idaraos sa Enero 26.

--Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.