Baking soda, activated charcoal mabisa nga bang pampaputi ng ngipin?

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 02:27 PM

Paalala ng isang doktora na ikonsulta muna sa dentista kung nais gamitan ng baking soda at activated charcoal ang ngipin

Minsan ba ay napapaisip ka ukol sa hitsura ng iyong ngipin – kung ito ay maputi o pantay-pantay ang kulay – tuwing ikaw ay napapangiti?

Sa programang “Salamat Dok,” tinalakay ng oral surgeon na si Dr. Joyce Ambray kung paano nakatutulong ang baking soda at activated charcoal sa pagpapaputi ng ngipin, at ang mga tamang paraan ng pag-aplay nito sa ngipin.

Ayon kay Ambray, mayroon mga katangian ang baking soda na nakatatanggal sa mga “stain” o mantsang naiiwan sa ngipin.

“Mayroon kasi siyang property na cleansing, antiseptic and at the same time abrasive. So ang tinatanggal ng baking soda are extrinsic stains – ‘yong stains na nakukuha natin sa coffee, tea, chocolates, soda and other habits like smoking and ‘yong mga nagnganganga,” paliwanag ni Ambray.

Isasama lamang ang baking soda sa toothbrush na may toothpaste, ani Ambray, saka magsepilyo ng isa hanggang dalawang minuto bago magmumog.

Mayroon naman daw dalawang klase ng activated charcoal na maaaring bilhin at gamitin: isang powder o pulbos at isang nasa capsule o kapsula.

Hindi gaya ng baking soda na isinasama na sa toothpaste at toothbrush, kailangan pa raw ng hiwalay na toothbrush para sa pagsesepilyo gamit ang activated charcoal.

Matapos magsepilyo gamit ang activated charcoal at magmumog, kailangan pa raw ulit magsepilyo gamit naman ang toothpaste.

Pero nagpaalala rin si Ambray sa mga taong nais gumamit ng baking soda at activated charcoal na magpakonsulta muna sa kanilang mga dentista dahil hindi pa aprubado ng American Dental Association ang mga nabanggit na paraan ng pagpapaputi.

“Hindi lahat ay candidate o puwedeng gumamit ng mga produktong ito. Dapat i-assess kayong mabuti ng inyong dentista,” aniya.

Hindi raw kasi gaya ng toothpaste na malambot at maliliit ang mga partikulo, maaaring magdulot ng pinsala ang baking soda at activated charcoal sa mga sensitibong ngipin at gilalid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.