Paano tutulong sa hinimatay, nasugatan sa Traslacion?

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2019 04:32 PM | Updated as of Jan 08 2019 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Hindi na labas sa pangkaraniwan na may mga nagtatamo ng sugat o hinihimatay sa mga debotong lumalahok sa taunang Traslacion bunsod ng siksikan at balyahan sa gitna ng prusisyon.

Dahil dito, ibinahagi ni Philippine Red Cross safety services manager Von Ryan Ong ang mga paraan sa wastong pagresponde sakaling makatagpo ng debotong nangangailangan ng atensiyong medikal.

Sakaling may makitang debotong hinimatay, mainam daw na dalhin siya sa lugar na malilim, malayo sa maraming tao, at kung saan makalalanghap siya ng sariwang hangin, ayon kay Ong. 

Suriin din daw ang hinimatay kung siya ay nakapagbibigay ng reaksiyon. 

"Puwede tingnan kung nagre-react ba siya... Then che-check din 'yong breathing kasabay noong circulation," sabi ni Ong.

Puwede ring iangat ang mga paa ng biktima para dumaloy ang dugo sa ulo nito.

"Usually 'pag nahihimatay talaga, kulang sa blood or kulang 'yong supply ng blood sa brain kaya usually inaangat natin 'yong paa," ani Ong.

Para maiwasang himatayin, ipinapayo ni Ong ang pagpahinga at pagkain bago sumalang sa Traslacion.

Karaniwan din daw nagtatamo ng mga sugat at gasgas sa paa at talampakan ang mga debotong nakapaa.

Delikado raw ang mga sugat dahil maaaring magkaroon ang mga ito ng impeksiyon, ani Ong.

Kaya mainam umanong linisin agad ang mga sugat gamit ang malinis na tubig o betadine.

Sakaling may pagdudugo sa sugat, kailangan daw kontrolin ang pagdudugo sa pamamagitan ng paglagay ng gauze o malinis na tela.

"Kung mayroon gauze or malinis na tela, puwede po natin i-apply 'yong pressure doon para mag-stop 'yong bleeding," ani Ong.

Kung malala ang sugat, mainam na dalhin agad ang nasugatan sa ospital para matahi at maisara ang sugat. 

MEDICAL GROUPS, HANDA NA

Dagdag pa ni Ong, maaari ring lapitan ang mga emergency personnel na nakatalaga sa may ruta ng prusisyon. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Narito ang 12 first aid stations ng Red Cross para sa Traslacion: 

  • Sa tapat ng Luneta Hotel sa Kalaw Avenue
  • Sa may Ocean Park/ Manila Police Station 5
  • Aquino Monument, Roxas Boulevard
  • Roundtable
  • National Museum corner Finance Road
  • Liwasang Bonifacio
  • Manila City Hall
  • Manila Metropolitan Theater
  • Plaza Mexico
  • Plaza Santa Cruz sa tapat ng Santa Cruz Church
  • San Sebastian Church
  • Quiapo Church

Umabot sa halos 2,000 ang mga nahilo, nagtamo ng sugat at nilapatan ng paunang lunas ng rescue at emergency teams, ayon sa datos ng Philippine Red Cross.

Ipinapayo naman ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga lalahok sa Traslacion na tiyaking maganda ang kondisyon ng kanilang pangangatawan.

Tiyakin ding may bagong tubig at nakakain para hindi mahilo. --Ulat nina Jeff Canoy at Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.