BASAHIN: Kapalaran ng bawat animal sign ngayong 2020

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2020 02:54 PM | Updated as of Jan 02 2020 03:33 PM


MAYNILA — Maituturing na taon ng "new beginnings" ang 2020 lalo at ito ay Year of the Rat, na base sa Chinese zodiac ay umpisa ng 12-year cycle. 

Dahil dito, marami ang umaasang makahanap ng mga bago at magandang oportunidad, lalo pagdating sa pag-ibig at pagpapalago ng pera.

Sa panayam ng ABS-CBN News, ibinahagi ni feng shui expert Master Hanz Cua ang mga prediction para sa bawat animal sign ngayong Year of the Metal Rat:

RAT

Hindi porke Year of the Rat ay nangangahulugang suwerte na ang mga may animal sign na rat. Sa katunayan, ayon kay Cua, hindi masuwerte ang taong ito para sa mga taong ipinanganak sa ilalim ng zodiac na ito.

Magiging lapitin sa mga gulo at away ang mga ipinanganak sa Year of the Rat dahil sa umano ay pagiging matigas ng kanilang ulo, ma-pride, o ma-ego.

Ipinayo ni Cua na kung may plano ang rat ay huwag na itong ipagsabi o ipagyabang sa iba at sa halip ay gawin na lang.

Gayunpaman, suwerte naman daw ngayong 2020 ang mga rat pagdating sa buhay pag-ibig.

OX

Isa ang ox sa mga susuwertihin ngayong taon at “magwawaging number one,” ayon kay Cua

Halimbawa umano ay kung nasa sports ang isang taong may animal sign na ox, asahang magwawagi ito, o kung miyembro ng isang team sa kompanya ay siya ang paborito ni boss.

Ipinayo ni Cua sa mga ipinanganak ng Year of the Ox na kung may talent ay ipamalas ito dahil suwerte. Mainam din umanong sumali sa mga bagong aktibidad at lumahok sa mga bidding.

Suwerte rin aniya ang ox sa pag-ibig.

 TIGER

Tiger ang naging pinakamasuwerte sa mga animal sign noong 2019 at dala-dala nito ang suwerte hanggang 2020, ayon kay Cua.

Kung businessman, may posibilidad na mag-expand ang negosyo o magtuloy-tuloy ang tagumpay.

Pagdating sa buhay pag-ibig, kung may nililigawan ang isang taong may sign na tiger at may karibal siya, siya raw ang pipiliin, sabi ni Cua.

Suwerte rin sa pag-aaral at pagkuha ng mga examination ang tiger ngayong taon.

RABBIT

Isa sa mga problema ng mga may animal sign na rabbit ngayong taon ay ang decision-making sa pag-ibig. Dahil “charming” o mapang-akit sa maraming tao, marami umano ang magkakagusto kay rabbit pero kailangan niyang mamili rito.

Pinag-iingat din ni Cua ang mga rabbit pagdating sa trabaho at karera. Kung may plano raw ay huwag na lang ipagsabi dahil marami umanong “backstabber” na naiinggit.

Iwasan din daw ang pagiging agresibo sa negosyo at magplano nang mabuti bago gumawa ng hakbang.

 DRAGON

Ipinayo naman ni Cua sa mga negosyanteng ipinanganak ng Year of the Dragon – ang animal sign na aniya’y likas na suwerte – na pumasok sa mga negosyong may kinalaman sa pagkain, buy-and-sell, trading, at services.

Hinimok din niya ang mga dragon na lumahok sa mga meeting at seminar, kung saan marami raw siyang makikilalang mga puwedeng maging business partner.

Magandang taon din umano ang 2020 para makahanap ng love life, magpakasal, at magka-baby.

SNAKE

Maraming blessings para sa mga taong ipinanganak ng Year of the Snake ngayong 2020 matapos maging “conflict year” ang 2019 para sa kanila.

Marami raw mga conflict o alitan ang snake na mareresolba ngayong taon.

Magandang taon din daw ito para sa mga manggagawa na snake na magbahagi ng ideya sa boss o sa mga katrabaho dahil papakinggan daw siya ng mga ito.

Pagdating sa pakikipagkaibigan at pag-ibig, suwerte rin daw ngayong taon ang snake. Puwede raw siyang makahanap ng pag-ibig sa social media.

HORSE

Pinag-iingat ni Cua ang mga taong ipinanganak ng Year of the Horse dahil maaari raw mabiktima ang mga ito ng cheating o pandaraya, o betrayal o pagtataksil pagdating sa pag-ibig.

Ipinayo niya sa mga horse na may asawa na habaan ang kanilang mga pasensiya at unawain ang kapareho dahil maaaring mauwi sa hiwalayan.

Ang mga manggagawa at negosyanteng horse naman ay hindi dapat maging agresibo, at magplano nang maigi, ani Cua.

SHEEP

Suwerte ang mga ipinanganak ng Year of the Sheep sa 2020, ayon kay Cua.

Ang mga manggagawang sheep ang paborito ni boss habang ang mga estudyante naman ang paborito ng mga guro, sabi ni Cua.

Magiging “busy” rin daw ang love life ng mga taong may animal sign na sheep.

MONKEY

Ayon kay Cua, ang mga taong ipinanganak ng Year of the Monkey ay mautak at madiskarte, na magagamit umano nila kasama ang kanilang mga talento para kumita ng pera.

Ipinayo ni Cua sa mga monkey na i-share ang kanilang mga talent sa boss para magustuhan ang mga ito.

Suwerte rin ang monkey sa pag-ibig dahil, gaya ng rabbit, marami silang maaaring pagpilian para makarelasyon.

 ROOSTER

Pagdating sa pera, marami raw perang papasok ngayong taon para sa mga taong ipinanganak ng Year of the Rooster dahil sa pagiging “maboka” nila.

Binalaan din ni Cua ang mga rooster na maging maingat sa pananalita o pakikipag-usap sa karelasyon dahil maaaring may masabing nakakasakit at magkaroon ng hiwalayan o problema.

 DOG

Maraming matatanggap na blessings at pera ang mga taong ipinanangak ng Year of the Dog ngayong 2020, ayon kay Cua.

Pagdating sa trabaho, sa halip na promotion, makatatanggap ng recognition o pagkilala, o umento sa sahod ang dog.

Ipinayo naman ni Cua sa mga dog na “huwag masyadong mapili” at maging kontento sa buhay pag-ibig.

PIG

Marami raw naranasang delay o pagkaantala ang mga taong ipinanganak ng Year of the Pig sa kanilang career noong nakaraang taon pero ngayong 2020 ay susuwertehin na sila, ayon kay Cua.

Magandang taon daw ang 2020 para sa mga negosyanteng pig na mag-expand ng business.

Maganda rin daw ang kapalaran ng mga pig pagdating sa pag-ibig at marami silang makikilalang bagong kaibigan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.