Paring kritiko ng 'Davao Death Squad', may banta sa buhay

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 03:50 AM | Updated as of Aug 30 2018 04:26 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kasalukuyang nagtatago si Father Amado Picardal matapos makatanggap ng banta sa kaniyang buhay.

Si Picardal ay kilalang kritiko ng Davao Death Squad (DDS) at extrajudicial killing (EJK). Siya rin ay testigo sa reklamong isinampa ng isang abogado sa International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa giyera kontra droga.

Ayon sa kaniyang blog post nitong Linggo, muntik na umano siyang maging biktima ng EJK.

Nangyari ito noong dumalaw siya sa Redemptorist monastery sa Cebu noong Agosto 11. Nasa Cebu si Picardal para mamuhay bilang ermitanyo.

Aniya, may umaaligid na 6 na lalaking naka-helmet at naka-motorsiklo sa harap ng simbahan.

Ganito raw ang modus operandi ng DDS na matagal niyang pinag-aralan.

"It was a close call. I thank god for protecting me," aniya.

Dagdag ni Picardal, may kinalaman sa kaniyang adbokasiya kontra EJK ang banta sa kaniyang buhay.

"Why am i being targeted by the death squad? Who is behind this "project"? The only explanation is because I preached and wrote against the extrajudicial killings for the last 20 years -- since i was assigned in Davao and up to now...," aniya.

"I have also gone around the country and in the US to give talks on EJK and the church's response. The media labeled me as one of the fiercest critic of the president but all I intended to do is to be a conscience of society. So I am not mad that the president is mad at me."

Nangangamba naman si Atty. Jude Sabio, ang abogadong nagsampa ng reklamo sa ICC, para sa buhay ni Picardal.

Ginamit ni Sabio ang pananaliksik ni Picardal sa DDS mula 1998 hanggang 2005.

"Si Fr. Picardal talaga was among the few, the bravest, who stood up against the Davao Death Squad up to now," aniya.

Kung may mangyari sa pari, mawawalan umano ng isang mahalagang testigo kung sakaling imbestigahan ng ICC ang kampanya ng Pilipinas laban sa ilegal na droga.

"... Lahat ng pinagpaguran niya, at lahat ng binuhos niyang tapang doon sa Davao ay magiging walang saysay 'yun dahil dead men tell no tale," ani Sabio.

Kuha noong Marso 14, 2018. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

'MURDERED PRIESTS'

Ayon naman sa Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), maaaring maraming nagalit kay Picardal dahil sa mga nasabi niya laban sa pangulo at sa administrasyon.

"Let's just hope and pray that nothing untoward may happen to him. We do not want him to be included in the list of murdered priests," ani Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng public affairs committee ng CBCP.

Nagpaabot naman ng pakikiisa si Senador Leila de Lima na kasalukuyang nakakulong sa Camp Crame. 

"Any harm that will befall him can only be attributed to the powers-that-be who are responsible for the thousands of killings of poor Filipinos," aniya.

Si De Lima ay isa sa mga pangunahing kritiko ng pangulo ukol sa giyera nito kontra droga.

Nananawagan naman si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na dapat itigil ang umano'y pagbabanta sa buhay ni Picardal.

"Kung sino man 'yan, dapat itigil na kasi naghahanap tayong lahat ng katotohanan at hindi natin dapat patahimikin ang mga nagsasalita tungkol dito," aniya.

Para sa Palasyo, dapat dumulog si Picardal sa mga awtoridad.

"Kung talagang may banta, gamitin ang mga remedyo at mayroon tayong writ of amparo," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Handa namang magbigay ng seguridad ang Police Regional Office (PRO) 7 kay Picardal.

"If he is willing to discuss, then we will discuss. We will make some arrangement sa kaniya," ani PRO 7 Director Debold Sinas.