Mga bagong abogado: dating janitor, guro, pari, lolo

ABS-CBN News

Posted at May 05 2017 12:56 AM | Updated as of May 05 2017 02:23 AM

Achieve ang pangarap: Dating janitor, ngayo’y abogado. 

Pinarangalan ng lungsod ng Maynila ang bagong abogadong si Ramil Comendador. Siya ang dating janitor sa Commission on Elections (Comelec) na napabilang sa 2016 Bar passers. Sambit pa niya, sinong mag-aakala na ang tulad niyang walang pera at dati ring nagsaka at nag-uling sa probinsiya, ngayo’y isa nang attorney? 

Habang nagtatrabaho dati bilang janitor, tinapos ni Comendador ang kanyang pre-law na Public Administration. Nang makapasa sa Civil Service Exam, nag-apply siyang Election Assistant sa Comelec at nag-aral ng abogasya sa Universidad de Manila.

Kuwento rin ni Comendador, pinakamalaking pagsubok sa kanyang pag-aaral ang sabay na tustusan ang kanyang matrikula at ang sariling pamilya. May pagkakataon pang napaiyak na lang siya sa klase dahil wala siyang pera at manganganak na noon ang kanyang misis. 

Hiling ngayon ni Comendador na makauwi ng probinsiya para sa kaarawan ng anak. Bukod sa pamilya, malaking inspirasyon din sa kanyang pagpupursige si dating Comelec Commissioner Rene Sarmiento na humikayat sa kanyang mag-abogado. 

Plano ni Comendador na ipagpatuloy ang serbisyo sa Comelec hanggang magretiro.


Mga kuwento ng tagumpay

Ika nga nila, kapag may tiyaga, may nilaga. Patunay riyan ang pagpupursige ng gurong si Mark Dave Camarao ng Laoag City. Isinabay niya sa pagtuturo ang pag-aaral ng abogasya. 

Hindi biro ang hirap nito, pero sulit naman dahil pang-anim si Camarao sa mga nakapasa sa 2016 Bar exams. Siya rin ang kauna-unahang nakapasok sa top 10 mula sa College of Law ng Northwestern University sa Laoag City. Puno ng pasasalamat sa Maykapal ang bagong abogado. 

Kung may guro, meron ding pari na ngayo’y attorney na rin. Kuwento ni Father Neil Aranas ng Legazpi City, halos dalawang dekada na siyang nagsisilbi sa simbahan. Sa loob ng panahong iyon, nakita niya ang pangangailangan ng ilang mahihirap para sa abogado, pero salat sila sa perang pambayad. Layon ni Father Attorney ngayon na magbigay ng serbisyong legal sa mga ka-parokya.

Sa edad naman na 60 kung kailan karaniwang nagreretiro, naging abogado si Jessie Savilla ng Naga City. 

Taong 1981 nang unang mag-aral ng abogasya si Savilla, pero huminto para magpamilya. 

Sobrang proud si Savilla nang maging abogado ang isa sa mga anak niya. Naging inspirasyon din ito para ituloy niya ang naudlot na pag-aaral. 

Hindi rin siya nagpatinag kahit hindi pinalad sa unang take ng Bar exams. Ngayong senior citizen na siya, pinatunayan niyang walang pinipiling edad ang pag-abot ng pangarap.

Mga bagong abogado na rin ang radio announcers na sina DX Lapid at Thaddeus Bentulan ng DYAB Cebu. Kapwa sila pinalad sa ikatlong beses na pagkuha ng Bar exams.

-- Ulat nina Raphael Bosano at Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.