Vice Ganda may regalo sa tagahangang may sakit, ex-'TNT' contender

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2018 03:22 PM

Hindi lang ang mga "Madlang Pipol" ang napasasaya ni "It's Showtime" host Vice Ganda dahil larawan din siya ng pagiging bukas-palad sa mga nangangailangan.

Ipinakilala kamakailan ng programang "Pareng Partners" si Vice Ganda sa tagahanga nitong si Joshua Cruz, isang batang may chronic kidney disease o iyong sakit ng unti-unting paghina ng bato.

Nakilala ng "Pareng Partners" noong Setyembre si Cruz, na nagsabi sa mga tauhan ng programa na pangarap daw nitong makita ang mga idolong sina Coco Martin at Vice Ganda.

Naisakatuparan ito noong Disyembre 7 nang live na nakapanood si Cruz at ang kaniyang ina ng "It's Showtime." Isinama rin sila sa dressing room ni Vice Ganda kung saan nakapiling ni Cruz ang kinagigiliwang komedyante.

Nagpasalamat si Cruz kay Vice Ganda dahil sa pagpapatawa nito at pinasalamatan din ni Vice Ganda ang tagahanga dahil sa suporta niya.

"Dahil tumatawa pa kayo at nag-e-enjoy pa kayo sa jokes ko, 'yon ang dahilan kung bakit gusto kong mag-joke nang mag-joke lagi," sabi ni Vice Ganda.

Nangako rin ang "Fantastica" star na reregaluhan si Cruz ng play station 4 (PS4) para sa Pasko.

Bukod kay Cruz, isa rin sa mga naabutan ng tulong ni Vice Ganda nitong taon si Girlie Las Piñas, dating contender sa "Tawag ng Tanghalan" ng "It's Showtime."

Sumali si Girlie noong Setyembre sa naturang singing competition upang makalikom ng perang pampagawa sa mga prosthetic leg o artipisyal na binti ng kaniyang mister na si Cesar.

Naputulan kasi ng parehong binti si Cesar dahil sa komplikasyong dala ng diabetes.

Hindi man pinalad sa singing contest, pinangakuan naman ni Vice Ganda si Girlie na siya na ang magpapagawa ng mga prosthetic leg ng mister.

"Para akong maliit na bata, nagtatalon-talon sa saya, sumisigaw, umiiyak ako sa saya, tears of joy talaga," kuwento ni Girlie sa "Pareng Partners."

Nito rin lang Disyembre ay lumuwas sa Maynila ang pamilya ni Girlie para tanggapin ang mga prosthetic leg ni Cesar.

Ayon kay Vice Ganda, masaya siyang nakatutulong at napapasaya ang mga taong nangangailangan dahil naranasan din daw niyang mangailangan ng tulong ng iba.

"Masaya ako 'pag nararamdaman kong napapaligaya ko 'yong taong natutulungan ko kasi bilang nanggaling din naman sa wala noon. Alam mo 'yong pakiramdam na kailangan mo ng tulong pero wala kang maasahan at alam mo 'yong pakiramdam ng kusang may nagbigay sa'yo ng tulong na di mo inaasahan," sabi ni Vice Ganda.

'Yon ang gusto kong maramdaman nila. 'Yong mayroon at mayroon kang masasandalan na hindi mo inaasahan, mayroon tutulong sa 'yo, at balang araw, kapag ikaw ang nakaluwag-luwag, uulitin mo 'yong ganoong karanasan sa ibang tao," dagdag ng komedyante.

Kasalukuyang abala si Vice Ganda sa pag-promote sa pelikula niyang "Fantastica," isa sa mga kalahok sa 2018 Metro Manila Film Festival na ipalalabas sa mga sinehan simula Disyembre 25.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.