Angel Locsin: 'Kapag may nangangailangan, tulungan niyo'

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2019 02:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Si Angel Locsin ang bagong anti-piracy ambassador ng Optical Media Board o OMB na inanunsyo nitong Biyernes, December 20.

Dito naibahagi ng aktres na bukod sa bago niyang responsibinidad, magkahalong saya at lungkot ang kaniyang nararamdaman sa nakuhang pagkilala ng Forbes Asia magazine bilang isa sa 30 notable charity donors.

"Nahihiya talaga akong pag-usapan ‘yung mga ganung bagay, katulad nga nang na-tweet ko. Of course, gusto ko i-acknowledge kasi it's Forbes Asia 'di ba? Nakapa-surreal nang pakiramdam talaga mapabilang ka katabi ng mga naglalakihang mga tao. Pero nakakalungkot kasi napabilang ka roon. Kasi naalala ko kung bakit ako andoon. 'Yung may mga taong nag-suffer, may mga nasalanta, may mga namatay, may mga ganyan. Nakakalungkot," paliwanag ni Angel.

Ayon pa kay Angel, nagpapasalamat siya sa pagkilala at nais niya itong maging inspirasyon pa para sa iba na tumulong rin sa mga nangangailan.

“Naiisip ko na lang na, baka isa ‘tong paraan para makapag-inspire pa ng mga kabataan na tumulong rin. Wala kayong kailangan hintayin na oras. Kapag may nangangailangan, wala nang tanung-tanong, tulungan niyo," ani Angel.

At sa kaniyang walang humpay na pagtulong, naitanong rin sa aktres kung ano ang fulfillment na naidudulot nito sa kaniya.

"Sa totoo lang, kung makikita mo ‘yung kaligayahan nang natulungan mo, siguro, triple ‘yung kaligayahan na mararamdaman mo kapag ikaw ‘yung taong nakatulong. Mas better na ikaw na ang tumutulong, kaysa mapunta ka roon sa situation nila. Mas marami kang ipagpapasalamat talaga, iba ‘yung walang kapalit ‘di ba? ‘Yung tumulong ka nang walang kapalit," ani Angel.

Ayon pa kay Angel, hindi pa rin siya titigil sa pagtulong sa mga nangangailan lalo ngayon na paparating ang Pasko.

“Lahat naman ng plano ko walang nakakaalam. So ime-maintain ko na lang na ganun lang talaga. Of course, maliit na grupo lang ‘yun minsan apat lang kami, for security reasons rin talaga at wala talaga akong plano na ipaalam talaga," ani Angel.

Sa mga lihim na pagtulong, mas masaya rin si Angel na nagagawa niya ng maayos ang kaniyang misyon na tulungan pa ang mga nangangailan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.