Anim sa walong float ng MMFF 2018, nabalahaw sa putik

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2018 04:03 PM | Updated as of Dec 23 2018 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Hindi natinag ng ulan ang taunang Parade of Stars ng mga pelikulang kalahok sa 2018 Metro Manila Film Festival, na idinaos ngayong Linggo sa Parañaque City.

Nagsimulang umusad bandang alas-1:30 ng hapon ang mga karosa lulan ang mga bida ng mga pelikulang kasali sa MMFF.

Naunang bumiyahe ang karosa ng pelikulang "Fantastica," sakay sina Vice Ganda at Richard Gutierrez. Sinundan ito ng float ng "The Girl In The Orange Dress" na lulan sina Jericho Rosales at Jessy Mendiola.

Nagkaroon ng aberya nang mabaon sa putik ang mga gulong ng mga karosa ng anim na pelikula "Jak Em Popoy: The Pulis Credibles," "Mary, Marry Me," "Aurora," "OTLUM," "One Great Love," at "Rainbow's Sunset."

Nabaon sa putik ang mga gulong nang lumambot ang lupa dahil sa ulan.

Nagpasalamat naman si Vice Ganda sa mga nag-abang sa parada sa kabila ng sama ng panahon.

"Sobrang nagpapasalamat kami pero medyo nalungkot ako. Nakikita ko yung mga tao basang basa pati mga bata basang basa," ani Vice Ganda.

Kuwento naman ni Rosales, napilitan silang maglakad ni Mendiola
para makaabot sa parada matapos maipit sa trapiko.

"Naglakad ako simula sa kanto sa SLEX. Grabe ulan at traffic," sabi ni Rosales.

Nagdulot ng pagbigat sa daloy ng trapiko ang pagsara sa ilang kalsadang dinaan ng parada.

Tinatayang nasa 5,000 ang bilang ng mga nanood ng parada ng MMFF, sabi ng National Capital Region Police Office.

--Ulat nina Ganiel Krishnan at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.