'Patawarin mo kami': Vice Ganda, napaluha ang ina sa kanyang mensahe

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 12:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Hindi napigilan ng ina ni Vice Ganda na si Rosario Viceral ang maluha matapos mapanood ang video message mula sa kanyang anak.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, sa kanyang Christmas message, nagpasalamat si Vice sa pagmamahal at sa lahat ng mga bagay na ibinigay ng ina para sa kanilang pamilya.

"Gusto ko lang sabihin sa iyo na proud na proud ako na anak mo ako. At proud na proud ako na nanay kita. Gusto kong malaman mo na kahit ang dami-dami naming pagkukulang sa iyo ay hindi nababawasan ang pagmamahal namin sa iyo. Malaking blessing sa Diyos na magkakapatid kami at ikaw 'yung nanay namin at anak mo kami," ani Vice.

Humingi rin ng tawad si Vice sa lahat ng kanyang pagkukulang sa ina.

"Hindi kami perpekto pero mahal na mahal ka namin. Sa mga oras na nalulungkot ka, sa mga oras na nag-iinit ang ulo mo, sa mga oras na feeling mo ay nakakalimunta ka namin, tandaan mo lagi, may pagkukulang lang tayo, may kahinaan lang tayom pero mahal na mahal natin ang isa't isa. I love you," dagdag ni Vice.

Matapos mapanood ang video ng anak, naging emosyonal si nanay Rosario.

"Kasi lagi akong naiiwan sa bahay. Kung minsan nagrereklamo ako sa kanya, 'Kailan mo ako bibigyan ng oras, anak?' Ganun. Kasi nakakalungkot, may kanya-kanya na sila, kung minsan 'di na kami sabay-sabay kakain, kasi iba-iba ang time nila. Kaya nagrereklamo ako sa kanya kung minsan. 'Sorry, 'Nay, babawi ako.' But they make sure naman. Kaya kapag darating ang Pasko, ito ang medyo espesyal, medyo mahaba-haba 'yung kanyang bakasyon, 'yun nakakapagsama-sama kami. Pagkatapos ng Pasko ay nag-iibang bansa kami to continue the bonding. Kasi after the holidays wala na naman. It's hard for us to be together again as one family," paliwanag ni nanay Rosario, na pinasalamatan ang anak at iginiit na wala itong pagkukulang.

"Wala kang pagkukulang anak. It's that marami kang pananagutan na ngayon. Mas na-lessen ang time mo sa akin pero it's okay anak. Naglalambing lang ako sa inyo once in a while when I feel so lonely, but all of you mahal na mahal ko kayong lahat. And everything is forgiven, kung anuman ang shortcomings kung minsan, napapatawad 'yon anak dahil we are one family," ani nanay Rosario.

At patunay ng kanyang pagmamahal para sa anak, inimbitahan ni nanay Rosario ang lahat ng mga manonood na suportahan at panoorin ang pelikula ni Vice Ganda at Anne Curtis na "M&M: The Mall, The Merrier" na ipapalabas sa Pasko, Disyembre 25.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.