Vic Sotto at Vice Ganda, posible rin ba magsama sa pelikula?

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2019 03:18 PM

MAYNILA -- Hindi isinasara ng beteranong komedyante na si Vic Sotto ang posibilidad na magsanib-puwersa sila ng "It's Showtime" host na si Vice Ganda sa isang proyekto.

Kasunod ito nang naging pagsasama noon ni Vic at Coco Martin sa 2018 Metro Manila Film Festival movie entry na "Jack Em Popoy: The Puliscredibles" kasama si Maine Mendoza.

"Bakit hindi?" tugon ni Vic nang tanungin kung posible rin ba ang pagsasama nila ni Vice Ganda sa pelikulang pang-MMFF. "Wala namang imposible."

"Ako naman I would like to believe na kaibigan ko lahat. Wala akong kaaway eh, ayokong may kaaway. Siguro kasabay sa pelikula pero it's not necessary na kaaway ko na 'yun," dagdag pa ni Vic.

Kung tatanungin naman kung kailan ito posibleng mangyari, pahayag ni Vic: "I don't know. We will cross the bridge when we get there. Open ako sa lahat, basta sa ikagaganda ng takbo ng pelikulang Pilipino, eh open ako."

Mapapanood ang "Mission Unstapabol: The Don Identity" ni Vic at iba pang pelikula sa MMFF ngayong Disyembre 25.