Cesar Montano, hiling ang kapatawaran ni Sunshine Cruz

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 08:48 PM | Updated as of Dec 12 2019 09:11 PM

MAYNILA -- Balik pelikula ngayon muli ang aktor na si Cesar Montano kasama ang international producers ng Inspire studios, para sa pelikulang "Freedom Fighters.”

Kuwento ng aktor, mas makabuluhan na mga proyekto ang kaniyang sisimulan ngayon kasabay ng kaniyang muling pagbabalik loob sa pananampalataya.

"To do meaningful films na gusto Niya gawin. All of the films na naka-line up na gusto Niyang ipagawa sa akin. He gave me the talent to do films and I will focus sa paggawa pa ng mga pelikula," tugon ng aktor sa panayam nitong Huwebes.

Ayon kay Cesar, mas panatag ngayon ang kanyang isipan matapos ang naging pagbabalik loob sa Panginoon.

"I feel relaxed, I feel happy from what I am doing," aniya.

Ibinahagi rin ni Cesar kung ano ang nag-udyok sa kaniya na pagtibayin ang kaniyang pananamapalataya. 

"One day, God talked to me. Sabi niya 'I gave you great talent to do films, bakit kung ano-ano pa pinaggagagawa mo?’ ...So I decided na ito na gawin ko," ani aktor.

"Sabi ko, 'Sige Lord, mag-decide Ka, gagawin ko na 'to.' When I decided, hindi ko lang masabi ngayon ang dami ko pang gagawin na pelikula but it's there, naka-line up pa.”

Kasabay ng kanyang mas matibay na pananampalataya, isa rin sa naitanong sa aktor kung napatawad na rin ba niya ang mga taong nakagawa ng pagkakamali sa kaniya.

"Hiningi ko na rin ng tawad kay Lord. You have to forgive those people who hurt you, who owe you a lot na nasaktan ka. Emotionally, kasi ikaw lang magdadala no'n,” tugon ni Cesar. "'Pag hindi mo pinatawad, ikaw lang magdadala no'n, ikaw rin ang mag-suffer. You should throw away hate, give it to the Lord."

Aminado rin si Cesar na hindi naging madali ang prosesong ito sa kaniya.

"Hindi madali magpatawad. It's so hard and you have to pray for it. But God said, 'Ask anything in My name and I will give it to you," paliwang niya.

Naiintindihan rin ng aktor kung hindi pa siya napapatawad ng mga taong nagawan niya ng pagkakamali, kabilang na dito ang dating asawa na si Sunshine Cruz.

Ayon sa aktor, sinubukan rin niya na humingi ng tawad kay Sunshine.

“Hindi natin masasabi 'yun (kung pinatawad na niya ako), only the person. Kung siya ang nakakaramdam kung natanggap (na) niya, kung nakapagpatawad siya, walang makakapagsabi no'n kung 'di siya."

Ayon pa sa aktor, nais niya na tapusin ang taon ng may kapayaapan sa kaniyang isipan.

"At least nasabi mo na 'yun and, of course, bago magsara ang taon dapat gawin natin lahat ‘yun, to ask forgiveness sa lahat ng taong nagawan natin nang pagkakamali," aniya.

Ipinaliwang rin ng aktor kung bakit mas pinili niya na manahimik sa kabila nang mga naging pahayag ng kaniyang dating misis.

"Hindi lang naman kasi ako ang involved at siya; may mga batang involved (dito). And if I prolonged that, kawawa 'yung mga bata. I have to think about the children also. Ang daling magsalita (but) I have to think of our children," aniya.

At ngayong sasapit ang Pasko, isa lang rin ang hiling ni Cesar.

"Peace of mind. The best siguro ang mahihiling ng kahit sino is peace of mind. Kasi you cannot enjoy anything without peace of mind. Kahit na gaano ka ka-successful kung wala kang peace of mind, that's nothing," aniya.

Inaasahan na sa pagpasok ng 2020, magiging abala si Cesar sa paggawa ng kaniyang mga pelikula.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.