Brillante Mendoza, pinuri ang husay ni Judy Ann sa 'Mindanao'

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 05:52 PM | Updated as of Dec 10 2019 07:00 PM

MAYNILA -- Tanging papuri ang ibinigay ng direktor na si Brillante Mendoza para kay Judy Ann Santos na bida sa pelikulang "Mindanao" na bahagi ngayong taon ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Brillante Ma Mendoza (@brillante_mendoza) on

Ayon sa direktor, hindi na niya kinailangang idirek pa si Judy Ann dahil sa husay na ipinakita nito sa kanilang pelikula.

"Pinanganak na siya dito sa showbiz, dito na siya lumaki. So alam niya kung tine-take niya ang emosyon o hindi. I think siya mismo alam niya kung ano ang ginagawa niya," tugon ng direktor sa naganap na special block screening ng pelikula nitong Lunes.

Kuwento pa ni Brillante, si Judy Ann mismo ay kayang idirek ang kaniyang sarili sa ipinakita nitong performance sa kanilang pelikula.

"Pakiramdaman lang talaga. Kasi alam niya kapag hindi ako happy, ibig sabihin hindi ko nararamdaman. Kasi siya mismo alam niya na 'yun, kasi siya ang umaarte eh. Kaya siya mismo sasabihin niya na ulitin pa, isa pa 'yung bawat eksena na hindi niya nagustuhan," aniya pa.

Sa pagkapanalo naman ni Judy Ann ng best actress sa 2019 Cairo International Film Festival, naniniwala ang direktor na hindi ito nangangahulugan na masusungkit din ng aktres ang parehong pagkilala sa gabi ng parangal ng MMFF.

"The mere fact na nakapagdala na siya dito ng karangalan, karangalan na natin 'yon bilang mga Pilipino. Ngayon kung dito at madagdagan man, masaya tayo; kung hindi naman, masaya pa rin kasi naging part na tayo ng MMFF," pahayag ng direktor.

Mapapanood ang "Mindanao" at iba pang pelikula na kalahok sa 2019 MMFF sa darating na Disyembre 25.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.