Angelica Panganiban, bagong leading lady ni Coco Martin sa pelikula

Kiko Escuadro, ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 12:38 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by ABS-CBN Films, Star Cinema (@starcinema) on

MAYNILA -- Magkahalong saya at pananabik ngayon ang nararamdaman ng aktor na si Coco Martin na bibida sa bagong romantic comedy ng Star Cinema kasama ang aktres na si Angelica Panganiban.

Kuwento ni Coco na apat na taon nang nagbibigay aksyon gabi-gabi sa "Ang Probinsyano," kabado siya sa kaniyang muling pagpapakilig sa pelikula.

"Kasi bagong kombinasyon, and definitely 'yung project, ibang iba sa 'Probinsyano.' Kasi ang tagal ko na sa 'Probinsyano' eh, ngayon excited ako kasi magbabalik ako sa drama and at the same time si Angge, napakagaling na artista sa drama and comedy kaya nakaka-pressure para sa akin," ani Coco sa panayam nitong Martes.

Pananabik rin ang naramramdaman ni Angelica na unang beses makakasama sa isang pelikula si Coco. 

"Siyempre ang tagal natin siyang nakikita sa 'Probinsyano.' Nag-'Probinsyano' ako pero sandali lang, isang buwan lang, so iba rin 'yung magiging experience na makagawa ng movie together. Ibang flavor naman ang gagawin niya, iba rin ang mai-oofer namin," tugon ng aktres.

At dahil sasabay ang shoot ng pelikula sa 'Ang Probinsyano,' biro ni Angelica: "Stop muna ang 'Probinsyano.' Ako lang makakapagpatigil."

Pero ayon kay Coco, may nakalaan siyang oras para sa kanilang pelikula. "Sanay naman ako na habang may 'Probinsyano', gumagawa rin ako ng pelikula. Kasi talagang pinaghahandaan talaga namin ito. Sabi nga namin, sinusubukan namin na sana wish namin, mahabol namin 'to for Valentine's Day," aniya.

Inaasahan na sa unang bahagi nang 2020 sisimulan na ang shoot ng pelikula ni Coco at Angelica na may working title na "Love Or Money" sa direksyon ni Mae Cruz-Alviar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.