Papel ni Cardo Dalisay, paano nga ba nasungkit ni Coco Martin?

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Sa ika-4 na taon ng pamamayagpag ng "FPJ's Ang Probinsyano", muling binalikan ni Coco Martin kung paano napunta sa kaniya ang karakter ni Cardo Dalisay.

"Actually kinapalan ko ang mukha ko," pahayag ni Coco sa panayam sa thanksgiving party ng programa nitong Linggo.

"Kasi ako 'yung nakaisip ng project. Kasi sabi ni Ma'am Charo (Santos), 'Bakit hindi tayo mag tribute sa mga pulis?' kasi that time 'yung nangyari sa SAF 44, may ibang project ako na dapat gagawin. Tapos sabi ko 'Bakit hindi natin gawin 'yung pelikula ni FPJ noong araw?' Sabi nila 'Ano 'yun?'" kuwento ni Coco.

Ayon kay Coco, doon nila nakita na kung gagawing teleserye ang pelikula ni FPJ, akmang akma ito sa buhay ng Pilipino.

Matapos tumakbo ng 4 buwan ang teleserye, natapos na ang orihinal kuwento ng "Ang Probinsyano" at dito na nagkaroon ng sariling buhay ang pambatong teleserye ng Kapamilya network.

Dagdag pa ni Coco, na aktor at tumatayong direktor ng "Probinsyano", hindi rin niya inakala na tatagal ng apat na taon ang kanilang programa.

"Parang kahit kami hindi namin maintindihan na bakit humaba siya nang humaba. "

Pero hindi pa tapos ang kuwento ng teleserye, at may mga dapat pang abangan para sa mga manonood, ani Coco.

"Ngayong four years ka na, kailangan mo nang i-upgrade 'yung kuwento niyo, 'yung mga pangayayari. Dati kasi lagi lang kinukuwento natin ano 'yung buhay ni Cardo, sa pamilya niya sa sarili niya. Ito, next year ang magiging kuwento na natin ang buong mundo. Kasi ano pa ba ang hindi pa pinagdaraanan ni Cardo? Kumbaga, ito na 'yung pinakamatinding laban," pahayag pa ni Coco.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.