Ano ang 'hugot' sa likod ng hit song na 'Binalewala'?

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 05:06 PM

MAYNILA — Nagmahal, nasaktan, nagsulat ng "hugot" sa kanta.

Iyan ang ginawa ni Michael Dutchi Libranda, ang lumikha at umawit ng hit song na "Binalewala."

Mistulang bagong theme song ng mga pinaasa, sinaktan, at iniwan ang "Binalewala," na may music video na umani ng milyon-milyong views sa YouTube at naitanghal pa ni Libranda sa Wish FM Bus ng radio station na Wish 107.5.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinuwento ng 26 anyos na si Libranda, na taga-Nueva Ecija, na ginawa niya ang kanta matapos silang maghiwalay ng dati niyang karelasyon, na tumagal ng 2 taon.

Taong 2017 nang makilala ni Libranda ang dating nobya sa isang gig at mabilis nahulog ang loob nila sa isa't isa.

"Hindi ko alam ba't nagustuhan ko siya. Siguro sobrang bait niya, matulungin sa kapwa, maalaga. Kaya noong nawala sa buhay ko, ang bigat," sabi ni Libranda sa panayam ng "Rated K."

"Sa kaniya ko binuhos lahat talaga, binigay lahat," ani Libranda.

Nagsimulang magkalabuan ang magkarelasyon nang umalis ang ex ni Libranda papuntang Maynila. May 3 araw pa raw na hindi nagparamdam ang babae sa mang-aawit.

Sandaling binalikan si Libranda ng babae pero iniwan din ulit at makalipas ang ilang linggo, nakumpirma ni Libranda na may iba nang nobyo ang babae.

Watch more in iWant or TFC.tv

Idinaan ni Libranda sa paggawa ng musika ang sakit sa nabigong relasyon.

"Gumawa ako ng chords hanggang sa dinamdam ko 'yong sakit," aniya.

Nag-viral sa social media ang video ni Libranda na kinakanta ang gawa niyang awitin, na napanood ng isang music producer na tumulong sa kaniya para magka-studio version ang "Binalewala."

Matapos ilabas ang studio version ay naglabas din ng music video para sa kanta.

Sa gitna ng pagsikat ng kaniyang "hugot" song, mensahe ni Libranda sa kaniyang ex: "Kung hindi dahil sa'yo di ako titibay nang ganito. Hindi ko magagawa ito kung di ako magiging malakas na tao."

"Iki-keep ko lahat ng sakit at saya na binigay mo sa'kin," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.