Pinoy fans, sumugod sa Las Vegas para suportahan si Rachel Peters

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2017 10:50 PM | Updated as of Nov 26 2017 11:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balewala ang distansiya para sa mga Pilipino na tumungo sa Las Vegas, Nevada para magbigay ng suporta at masaksihan ang pagsabak ni Rachel Peters sa Miss Universe 2017.

Sa Linggo (Lunes ng umaga sa Pilpinas) idaraos ang coronation night ng pageant.

Karamihan sa mga fan na Pilipino ay suki sa pageant kaya tila "reunion" o muling pagsasama-sama nila ang okasyon.

Nagmula pa sila sa iba't ibang lugar sa Amerika gaya ng California, Illinois, Florida at New York. May mga lumipad din mula Pilipinas.

"I think Rachel has the total package and I think we're gonna get the crown back," ani isang fan.

Bitbit nila ang bandila ng bansa, sash at korona.

Tiniyak nilang manonood sila ng coronation night kahit may kamahalan ang tiket na aabot sa P50,000.

May grupo ng fans din na dala ang mga letrang binabaybay ang salitang "Philippines."

Ito umano ang dala nila nang manalo si Pia Wurtzbach na Miss Universe noong 2015.

Malakas ang paniniwala nilang masusungkit ni Rachel ang ikaapat na Miss Universe crown ng Pilipinas.

Unang nakuha ni Gloria Diaz ang titulo noong 1969. Sinundan naman ito ni Margarita Moran noong 1973. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Mga artista, todo suporta

Hindi naman magpapahuli ang mga tagasuporta ni Rachel sa Pilipinas.

Isa rito si Aubrey Calderon na malaki ang tiwalang mapapanalunan ni Peters ang korona.

Matiyagang lumahok si Calderon sa online voting ng pageant.

May ilang beauty parlor na magkakaroon ng special viewing ng pageant.

Pinangunahan ng ilang artista gaya nina Vice Ganda at Anne Curtis ang paghikayat sa kanilang fans na iboto si Rachel.

Kasali kasi ang online votes sa pag-tally ng scores ng mga kandidata sa kompetisyon.

Puwedeng bumoto sa website sa mismong pageant night o mag-post sa Twitter ng mga hashtag na #MissUniverse at #Philippines. 

Mapapanood sa ABS-CBN ang Miss Universe coronation sa ganap na alas-8 ng umaga sa Nobyembre 27.

-- Ulat nina MJ Felipe at Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.