Sam Milby, may paalala sa motorcycle riders

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 04:41 PM

Retrato mula sa Instagram ni Sam Milby/@samuelmilby

Pinaalalahanan ng aktor na si Sam Milby ang mga motorcycle rider na laging magsuot ng helmet kasabay ng paggunita niya sa kaniyang half-brother na pumanaw sa road accident.

Nag-post sa Instagram noong Miyerkoles ang "Halik" star ng isang leather jacket na ayon sa kaniya ay pag-aari ng kaniyang kapatid na naaksidente noong siya ay isang taong gulang pa lang.

"Ito ang jacket na suot ng half-brother ko [noong] naaksidente siya at hindi siya nakasuot ng helmet," sabi ni Milby sa caption ng kaniyang post.

"I was one year old. Marami pa sana kaming memories na mapagsasaluhan," dagdag ni Milby, 34.

Pinayuhan ni Milby ang mga rider na laging magsuot ng helmet, lalo at napapansin daw niyang marami sa mga rider sa Pilipinas ang hindi nagsusuot nito.

"I see so many riders here sa Pinas na hindi gumagamit ng helmet. Please if you're a rider, always wear a helmet," ani Milby.

Unang nakilala si Milby nang lumabas siya bilang housemate sa kauna-unahang edisyon ng "Pinoy Big Brother" noong 2005.

Kasalukuyan siyang napapanood sa hit teleseryeng "Halik" sa Primetime Bida tuwing gabi ng Lunes hanggang Biyernes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.