'Kaya ko pa naman sila buhayin': Sunshine Cruz, 'di kailangan pagtrabahuhin ang mga anak

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 01:31 PM | Updated as of Nov 21 2019 03:50 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Sunshine Braden Cruz (@sunshinecruz718) on

MAYNILA -- Unti-unti nang sinimulan ng mga anak ng aktres na si Sunshine Cruz na sina Angelina, 18 anos, Samantha, 16, at Chesca, 13, ang pagpasok sa mundo ng showbiz.

Dahil nagsisimula nang kumita ng sariling pera ang kanyang mga anak, bilang nanay, sinisiguro ni Sunshine na mapupunta sa tama ang pinaghihirapan ng kanyang mga anak.

"Diretso banko nila 'yan. Mayroon silang sari-sariling bank account, and ako naman, sinasabi ko naman na they don't need to help me financially because kaya ko pa naman sila buhayin on my own," sabi pa ng aktres sa naging panayam sa kanilang bagong endorsement.

"I want them to have their own money. Itago nila 'yan so kung darating ang panahon na kapag nasa legal age na sila, and they want to buy a car for themselves, at least galing sa sarili nila."

Masaya rin ang aktres na napalaki niya ng simple ang kanyang mga anak. "Pagdating naman sa mga materyal na bagay, very simple lang ang mga anak ko. Tinuturo ko kasi sa kanila na lagi nilang unahin ang needs, at kung mayroon tayong extra, that’s the time na bibili tayo ng mga wants natin," sabi pa ni Sunshine. "And I think, I trained them well at naiintindihan nila 'yun."

At sa desisyon naman na pagpasok sa showbiz ng kanyang mga anak, hindi na rin daw kinailangan ni Sunshine na humingi pa ng desisyon mula sa ama nilang si Cesar Montano.

"Nakikita ng lahat na napapalaki ko nang maayos ang mga anak ko, mga anak namin (ni Cesar). And siguro naman by now, nakita naman niya na puwede akong pagkatiwalaan when it comes to decision-making. I don’t think naman na merong magre-react," aniya.

Matatandaan na nitong Abril, pormal na napawalang bisa ang kasal ng aktres kay Cesar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.