'Huwag mo siyang lolokohin': Maricel Soriano, nagbanta kay Ion Perez

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 04:08 PM | Updated as of Nov 21 2019 04:18 PM


MAYNILA -- Napuno ng kilig ang "It's Showtime" nitong Huwebes nang ipakilala sa unang pagkakataon ni Vice Ganda ang kanyang nobyo na si Ion Perez kay Maricel Soriano.

Si Maricel ang itinuturing ni Vice Ganda na ina sa show business.

Bumisita si Maricel sa "It's Showtime" para imbitahan ang mga manonood na suportahan ang kanyang pelikula na "The Heiress" na ipapalabas na sa Nobyembre 27.

"Inay, ito po si Ion, ang kabiyak ko," ani Vice Ganda.

"Anak, may itatanong ako sa iyo, mahal mo ba ang anak ko?" diretsahang tanong ni Maricel kay Ion na sumagot nang: "Ito lang ang masasabi ko sa inyo, 'yung anak niyo ay mamahalin ko nang lubos, sapat at tapat." 

"Maging mabuti ka sa anak ko, huwag mo siyang lolokohin. 'Yun lang ang hinihiling ko. Alam mo masarap maging maligaya. Alam mo sabi nila masarap lang daw sa umpisa. Pero huwag mong gaganunin si Vice, hahanapin kita. Gusto ko kapag sinabi mong mahal mo siya, mahal mo na siya forever," bilin ni Maricel kay Ion.

"Ang pag-ibig naman po namin ay parang halo-halo, habang tumatagal mas lalo siyang sumasarap," sagot ni Ion kay Maricel.

Ayon kay Maricel, masaya siya para sa kanyang anak-anakan na si Vice Ganda.

"Tuwang-tuwa ako para sa iyo anak. Sa wakas magiging maligaya ka na rin nang walang pag-iimbot at buong katapatan. Wala na tayong sakit ng ulo na 'eh, kasi hindi naman niya ako puwedeng ipakilala.' Ayaw ko na ganun ang nararamdaman mo, ang gusto ko ang nararamdaman mo ay puro pagmamahal," ani Maricel.

Sagot naman ni Vice: "Yes. I am so happy and I am so loved. I am so happy."

Sa huli, nagtapos sa "group hug" ang pagkikita nina Maricel at Ion.
 
Narito ang nakakatuwang paghaharap nina Maricel at Ion sa "It's Showtime."

Watch more in iWant or TFC.tv

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.