Dimples Romana, napaiyak dahil sa mensahe ni Julia Montes

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 03:03 PM | Updated as of Nov 19 2019 05:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Napaiyak ang aktres na si Dimples Romana sa sorpresang natanggap mula sa aktres na si Julia Montes.

Ipinagdiwang ni Dimples ang kanyang kaarawan sa "Magandang Buhay" nitong Martes at bilang sorpresa, isang liham mula kay Julia ang natanggap ni Dimples.

Sa sulat, binigyang diin ni Julia ang pasasalamat kay Dimples dahil sa inspirasyong ibinibigay nito. 

"I just miss her. Si Juls kasi ang sarap kakuwentuhan niyan at napaka-sweet na bata. Noong nakakasama ko siya mahusay na siya, mas lalo siyang humusay ngayon. Iba kasi siya, iba si Juls. Siguro my connection with her hindi na mababago. We would always message each other and I would always send her my love and she would also do the same and she knows I'm just waiting. I love her so much," ani Dimples.

Sa pang-umagang programa, isang video message naman ang naging sorpresa ni Kathryn Bernardo para kay Dimples. 

At tulad ni Julia, nagpasalamat din si Kathryn kay Dimples na itinuturing siyang isang kapatid. 

Hiling din ni Kathryn na magpatuloy ang biyayang natatanggap ni Dimples.

"Alam mo si Kath, kapag sinabi niyang I'm always here for you totoo 'yon. Kasi never akong nahirapan na mag-message sa kanya and she would reply right away," ani Dimples.

Matatandaang nabuo ang pagkakaibigan nina Kathryn, Julia at Dimples nang gawin nila ang 2011 serye na "Mara Clara."

Samantala, maliban kina Kathryn at Julia, nakatanggap din ng pagbati para sa kanyang kaarawan si Dimples mula sa mga kaibigang sina Sylvia Sanchez, Kim Molina, Bea Saw at Angel Locsin.

Bumisita rin sa "Magandang Buhay" ang asawa at mga anak ni Dimples para sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.