PANOORIN: Regine Velasquez, nagmana nga ba sa ina sa taas ng boses?

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2018 11:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Sa bihirang pagkakataon ay naging bukas ang ina ni Regine Velasquez na si Teresita Velasquez sa buhay ng kanilang pamilya.

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, ikinatuwa ng mga manonood ang natural na kakulitan ni Mommy Teresita o Mommy V.

Mula sa pagbabahagi ng kanilang buhay noon at kanyang panalangin na bigyan sila ng yaman para maiahon ang pamilya sa kahirapan at makatulong sa ibang tao, isang masiyahing Mommy V ang nakita ng publiko.

"Humiling din ako sa Diyos. May dahilan naman din ako na mangarap. 'Diyos ko, may dahilan naman, si Regine kumakanta. Sigurado akong sisikat ito, Diyos ko payamanin mo ako, 'yung mayaman na mayaman. Yumaman kami sana Diyos ko para makatulong naman ako sa kapwa ko.' Totoo naman 'yon, pinayamanan talaga kami. Mayaman talaga kami, so tumulong din kami sa kapwa," pagbabahagi ni Mommy V na ibinahaging batang-bata pa si Regine nang mahiling ito sa pag-awit.

Tila kay Mommy V rin nakuha ni Regine ang galing sa pag-awit dahil sa taas ng boses nito.

Sa programa, nag-duet si Regine at Mommy V ng awiting "You'll Never Know."

Naging makulit din ang hirit ni Mommy V nang matanong kung ano naman ang maipapangako niya sa kanyang anak na si Regine.

"I promise you na hindi ako mag-aasawa," ani Mommy V.

"Wala na, hindi na mag-aasawa. Mahal na mahal ko ang mga anak ko. Ayaw ko sa kanilang may masasaktan at magdamdam," dagdag ng ina ni Regine V.

Matatandaang noong Pebrero 2014 ay pumanaw ang ama ni Regine na si Mang Gerry.

Nagbigay-pugay din si Regine sa kanyang ina na aniya ay nagpakita ng tapang para sa kapakanan ng kanilang pamilya.

Aniya, napatunayan niya ang tibay ng kanyang ina noong mamatay ang kanilang ama.

"Nakita ko kung gaano niya kamahal, she was very strong. She needed to be strong for all of us. Hindi lang sa sarili niya but for the whole family. She's really strong. Noong tinext ko siya after mamatay ang daddy ko, tinext ko siya na I'm very proud of you, very strong and how you've handled everything," ani Regine.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.