Bakit espesyal ang 'PBB' para sa hosts nito?

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2018 05:17 PM | Updated as of Nov 08 2018 08:50 PM

Hindi lang ang mga manonood ang sabik sa muling pagbubukas ng Bahay ni Kuya dahil maging ang mga magsisilbing host ng "Pinoy Big Brother: OTSO" ay aminadong sabik na ring magtrabaho para sa programang naging makabuluhan daw sa kani-kanilang mga buhay.

Para sa ikawalong season ng reality show, makakasama ng mga dati nang host na sina Toni Gonzaga at Robi Domingo ang "Star Hunt" hosts na sina Alex Gonzaga, Kim Chiu, at Melai Cantiveros.

Host si Toni ng "Pinoy Big Brother" mula pa sa unang season ng programa noong 2005.

Naging big winner naman sina Chiu at Cantiveros sa unang teen edition at sa ikatlong regular season ("Double Up"), samantalang dati namang housemates sina Alex at Domingo.

'SECOND HOME'

Sa panayam ng ABS-CBN News kina Toni, Domingo, at Cantiveros, hindi naitago ng tatlo ang kanilang pagkasabik sa pag-host ng programa, na ayon kay Toni ay itinuturing nilang pangalawang tahanan.

"Very excited kasi para, feeling ko para sa aming tatlo, ang 'PBB' house is parang our second home," ani Toni.

Watch more in iWant or TFC.tv

Marami na raw mahahalagang pangyayari sa kani-kanilang buhay ang pinagdaanan nilang mga host kasama ang "Pinoy Big Brother."

"From being single to getting engaged during the season, getting married, and then having a baby, pati si Melai, parang sobrang dami nang changes na pinagdaanan namin throughout the entire run of 'PBB,'" ani Toni. 

Nagpapasalamat naman si Cantiveros sa programa dahil nabigyan daw siya nito ng karera at pamilya.

"Dahil sa 'PBB' parang narito ako ngayon, nandito ako sa show business," ani Cantiveros.

"Dahil sa 'Pinoy Big Brother,' mayroon akong family ngayon, si Jason saka mga anak ko," sabi ni Cantiveros, na tinutukoy ang kaniyang mister at kapwa housemate noon na si Jason Francisco.

Para naman kay Domingo, "Ang sarap lang bumalik sa Bahay ni Kuya."

"Ang sarap lang sa pakiramdam na balik-balikan 'yong mga moment dito," aniya. "It's a very exciting feeling."

Aarangkada ang "Pinog Big Brother: OTSO" sa Sabado, Nobyembre 10.

--May ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.