Musical group mula Ilocos Norte nakatambal si Moira sa 'ASAP' stage

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 01:21 PM

Nakasama ni Moira dela Torre sa "ASAP Natin 'To" stage ang San Nicolas National High School Cultural Ensemble mula Ilocos Norte. ABS-CBN

Maagang ipinagdiwang ni Moira dela Torre ang kaniyang ika-26 na kaarawan sa "ASAP Natin 'To," pero sa halip na siya ang regaluhan, ang mang-aawit ang nagpaabot ng regalo sa ilang musikerong humahanga sa kaniya.

Itinanghal ni Dela Torre sa "ASAP" stage ngayong Linggo ang kaniyang kantang "Tagpuan," kasama ang San Nicolas National High School (SNNHS) Cultural Ensemble, isang grupo ng musikerong high school students mula Ilocos Norte.

Watch more in iWant or TFC.tv

Natatangi ang tunog ng grupo dahil sa paggamit ng angklung, isang instrumento mula Indonesia.

Bukod sa Ilocano folk songs, isa sa mga paboritong itanghal ng grupo ang "Tagpuan" ni Dela Torre, ayon sa coordinator na si Arturo Cristobal.

"Ang 'Tagpuan' na inawit ni Moira ay gustong-gustong tugtugin ng mga bata," aniya.

"Gustong-gustong panoorin ng mga manonood at sumasabay pa sila, umaawit," dagdag ni Cristobal.

Nabuo ang SNNHS Cultural Ensemble dahil sa special program para sa arts o sining sa paaralang kanilang pinanggalingan.

Ibinida rin ng grupo ang kulturang Ilokano nang magtanghal sila nitong taon sa Honolulu, Hawaii.

Matapos ang "ASAP" performance, nagpasalamat si Dela Torre sa grupo.

"Alam kong ang layo ng biniyahe niyo to come here, so maraming, maraming salamat. It's such an honor for me to be able to play music with you guys," ani Dela Torre.

Nagpaabot din ng mensahe ang mang-aawit sa mga kabataan na huwag sumuko.

"Kahit minsan akala mo walang nangyayari, may ginagawa ang Panginoon na hindi natin nakikita na makikita natin sa tamang panahon," ani Dela Torre.

Ipagdiriwang ni Dela Torre ang kaniyang kaarawan sa Lunes, Nobyembre 4.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.