Puntod ng mga namayapang bituin, binisita ng mga kaanak, fans

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 08:18 PM | Updated as of Oct 31 2019 09:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maagang bumisita ang fans, kaibigan, at mga kaanak sa puntod ng mga namayapang artista sa iba't ibang sementeryo sa bansa. 

Noong weekend, bumisita ang komedyanteng si Atak sa puntod ng blockbuster director na si Wenn Deramas sa Himlayang Pilipino sa Quezon City. 

"Siya (Deramas) 'yung taong hindi nagsawang tumulong sa akin,” pahayag ni Atak. 

Araw-araw naman ang paglilinis ni Rosita Delos Santos sa puntod ni Fernando Poe Jr. sa Manila North Cemetery. 

"Kasi kailangan kahit hindi sila dumadalaw dapat malinis yan," paliwanag ni Delos Santos, na matagal nang caretaker ng mausoleum ng pamilyang Poe. 

Todo linis naman ang mga caretaker sa puntod ng TV host na si Inday Badiday at Ike Lozada. 

Doon din nakahimlay ang young actor na sina AJ Perez at Rico Yan. 
Nakahimlay din sa lugar ang long-time chairperson ng ABS-CBN Foundation na si Gina Lopez. 

Malinis at may ilang bulaklak na sa nitso ng "Master Showman" na si German Moreno sa Loyola Memorial Park sa Marikina. 

Nag-alay din ng bulaklak ang fans ni Francis Magalona. 

Maganda at may mausoleum na ang libingan ng "Comedy King" na si Dolphy sa Heritage Park sa Taguig. 

Nabigyan din ng maayos na lapida ang tinaguriang "Horror Queen" na si Lilia Cuntapay sa Pinili, Ilocos Norte. Napinturahan na ang puntod sa tulong ng lokal na pamahaalan at bayan ng Pinili. 

"Malaki ang naging kontribusyon niya sa bayan at para rin makita na sa huling hantungan niya ay maganda," pahayag ni Gilmore, anak ni Lilia.

--Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.