Coco, may proyekto sa 'La Luna Sangre'

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 06:42 PM | Updated as of Oct 31 2017 10:06 PM

Bago pa sumapit ang kaarawan ni Coco Martin bukas, Nobyembre 1, sinorpresa na siya ng kaniyang mga Kapamilya sa "Ang Probinsyano".

Pinangunahan ito ni Susan Roces at Eddie Garcia, at nakisaya rin sina Yassi Pressman, Eddie Garcia, Agot Isidro, at mga batang cast ng number one teleserye. 

Ipinagdiwang din ni Coco ang kaniyang kaarawan sa paglunsad ng bagong game app para sa Metro Manila Film Festival entry niya na "Ang Panday."

Paraan ito ni Coco at kaniyang partners na i-level up ang imahe ng panday bilang "lodi" o idol ng kabataan.

“’Yong mga kabataan, madaling mainip. Kailangan sabayan natin ‘yon. Gusto nila lagi kasi mayro’n silang nabubuo, hindi lang siya basta laban nang laban. Ginawan ko siya, nilagyan ko siya ng mission. May makukuha kang tools, nag-iiba ‘yong damit mo, lahat. Pati ‘yong itsura ng character, ginaya rin nila sa’kin,” ani Coco.

Excited na rin si Coco sa special effects ng rebooted na "Ang Panday" na siya mismo ang nagdirek.

“Ang Panday ang isa sa kauna-unahang superhero na original na nilikha ng Pinoy na talagang wala tayong pinaggayahan,” ayon kay Coco. 

Bagaman 36 taong gulang na si Coco, wala pa rin aniya siyang planong lumagay sa tahimik upang sulitin muna ang lahat ng oportunidad sa showbiz. 

Tinatrabaho rin ni Coco ang mga bago niyang pasabog na mobile app.

Kabilang na rito ang isang proyekto sa kapwa hit primetime serye na "La Luna Sangre".

“May ibang projects na rin na pumasok sa’min like ‘yong ‘La Luna Sangre,’ ‘yan, sinisimulan na naming gawin," kuwento ni Coco.

"May ginagawa kami ngayong project na tungkol naman sa mga singer. Parang ‘yong mga application ng mga gustong kumanta, na parang feeling mo mayro’n kang ka-duet na mga totoong mga singer,” paglalahad ni Coco. 

Hiling naman ni Coco para sa kaniyang kaarawan na mapangalagaan ang kaniyang kalusugan para tumagal pa siya sa showbiz.-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.