Rochelle Pangilinan, inaming takot dating magbuntis

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 03:47 PM

MAYNILA -- Proud na ibinahagi ng soon-to-be mom na si Rochelle Pangilinan ang kanyang masayang journey sa kanyang unang beses na pagbubuntis.

Sa kanyang Instagram post, ikinuwento ng former Sexbomb dancer ang kanyang mga naging karanasan sa unang apat na buwan ng kanyang pagdadalang tao.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by rochellepangilinan (@rochellepangilinan) on

"Isa sa magandang karanasan ng pagiging ganap na babae ang di ko malilimutan itong stage na to, ang mabuntis. Sa unang 3 buwan hindi mo maintindihan ang katawan, parang may lagnat ka, hindi makakain o namimili ka ng kakainin, nasusuka na ewan. Actually hindi ko masabi kung ano ang masakit sa 'kin. Marami kang ayaw, marami kang gusto na kakaiba. Katulad ko, bigla na lang ayaw kong makita o maamoy si Art, pero kapag umalis siya tatawagan ko siya na naiiyak pa ko kasi wala siya, lungkot na lungkot lang ang pakiramdam," bungad ni Rochelle sa Instagram post.

Bukod sa mga malaking pagbabago sa kanyang katawan, ramdam na rin ni Rochelle ang maraming pagbabagong pisikal sa kanyang sarili.

"Sa pagkain, lahat ng prutas ay gusto ko, pero tanging siopao, dalandan, at cinnamon roll ang paulit-ulit kong kinakain. Ibang klase si God, ginawa niyang automatic na naghahanda ang katawan ng babae para magluwal ng tao kaya nandun ang sumasakit ang balakang, likod, mainit ang dibdib mo lagi kasi daw nagkakagatas na. Naging sensitive ang balat, lumaki ang paa, laging tulog, malakas at mabilis ang heartbeat, kung may masakit man sa 'kin, itatawa ko lang," sabi pa niya.

Ikinuwento rin ni Rochelle ang kayang mga naging pangamba noong hindi pa siya nagbunbuntis.

"Dati takot akong magbuntis, takot ako kasi sobrang masakit daw manganak, ayon sa mga kaibigan. Ngayon naman ay parang excited na kong manganak kasi nakikita namin si baby," aniya.

Tanging hiling lang ng former Sexbomb dancer na maging healthy at may takot sa diyos ang kanilang panganay na anak ng aktor na si Arthur Solinap.

"Ang gusto lang namin ay maging healthy sya, kumpleto ang body parts at maging good follower siya ni God paglaki niya. Blessed ako dahil hindi ako pinahirapan sa pagbubuntis at binigyan ako ni God ng mabuting asawa, 'yung laging nandyan. Gabi-gabi bago siya matulog, sinisigurado niyang OK ako, kasama sa lahat ng bagay san man ako pumunta. Ngayon, excited na kaming malaman ang gender ni baby! Malapit na!" pahayag pa ni Rochelle.

Agosto ng 2017 ng ikasal si Rochelle at Arthur.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.