PANOORIN: K-pop stars, nagpabilib sa 'Show Champion' sa PH

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2018 08:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lalong uminit ang K-pop fever sa bansa sa paghataw ng EXO at iba pang K-pop groups sa "Show Champion" sa Mall of Asia (MOA) Arena noong gabi ng Linggo.

Napuno agad ng hiyawan at mga pailaw ang MOA Arena nang sumalang sa stage ang XENO-T at kantahin ang "Forever," ang Korean version ng Japanese hit nilang "Wherever You Are."

Hitik naman sa kaguwapuhan ang The Boyz, na binubuo ng 12 miyembro, na nagtanghal ng kanilang debut song na "Boy" at iba pang single gaya ng "Giddy Up" at "Right Here."

Hindi naman nagpahuli ang mga naggagandahang miyembro ng girl group na Weki Meki, na tinanghal ang kanilang mga kantang "I Don't Like Your Girlfriend," "True Valentine," "La La La" at "Crush."

Kinilig din ang mga manonood sa duo nina Ahn Hyeongseop at Lee Euiwoong, at MXM na binuo nila Im Youngmin at Kim Donghyun.

Sa panayam ng ABS-CBN News, ikinuwento ni Donghyun na pangalawang beses na niya sa bansa at hindi raw niya malilimutan ang una niyang pagbisita dahil sa pagpasyal sa Pagsanjan Falls sa Laguna.

Pero lalong lumakas ang tilian mula sa mga manonood nang magtanghal na ang EXO.

Sumabay naman ang Pinoy fans sa kanilang mga kanta gaya ng viral dance craze na "Ko Ko Bop," "Boomerang," "What U Do?" at "Power."

Nakatakdang mag-launch ng bagong album ang EXO sa susunod na buwan.

--Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.