Atong Ang, paano naugnay sa pamilya Barretto?

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 10:30 PM | Updated as of Oct 24 2019 10:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Matapos iugnay sa mga Barretto, binasag na ng negosyanteng si Charlie "Atong" Ang ang kaniyang katahimikan ukol sa relasyon niya sa pamilya, partikular na kina Gretchen, Claudine, at sa pamangkin nilang si Nicole. 

Nadawit sa sigalot ng magkakapatid na Barretto si Ang matapos sabihin ni Marjorie na naging karelasyon ng negosyante ang pamangkin nilang si Nicole bago ito "agawin" ni Gretchen sa kaniya. 

Inilantad ito ni Marjorie ilang araw makalipas na naging pisikalan umano ang away nila ni Claudine sa mismong burol ng kanilang ama na si Miguel. 

Naglabas pa si Marjorie ng umano'y ebidensiya na magkahawak ng kamay sina Ang at Gretchen sa eroplano habang natutulog. 

Sa panayam sa ABS-CBN News, idinetalye ni Ang kung paano niya nakilala ang mga Barretto. 

Una raw niyang nakilala si Marichi, ina ni Nicole. Kalauna'y naging empleyado rin niya si Nicole. 

Madalas umano siyang imbitahin ni Nicole sa mga pagtitipon ng pamilyang Barretto. 

Pero natuldukan daw ang kanilang pagsasama makalipas ang ilang taon sa "hindi pagkakaunawaan" at huli niya na lang daw nakita si Nicole sa burol ng ama ng Barretto sisters na si Miguel. Sa burol na ito nangyari ang umano'y sagupaan ng magkakapatid. 

"Kung sinasabi niya nang naging girlfriend ko (siya), wala namang problema doon. Pero kasi hindi naman tama sa lalaki na sabihing girlfriend mo siya, 'di ba? " ani Ang. 

"Kung ang tingin nila, ang sinasabi nila, kung ang tingin nila Nicole, girlfriend, nila si Gretchen, conclusion na nila iyon," dagdag niya. 

Hindi na rin nagdetalye si Ang ukol sa naging puno't dulo ng kanilang relasyon ni Nicole. 

"Pero wala akong masasabi sa pamilya niyan. Ayos ‘yan. Kung anuman ‘yung pinagsamahan namin ni Marichi, nila Nicole, sa akin na lang ‘yon. May kaniya-kaniya tayong buhay, so bakit natin kailangan i-expose ang buhay natin?" ani Ang. 

'KASOSYO' 

Dahil kina Marichi at Nicole daw nakilala ni Ang si Claudine, na nagpatulong para maayos ang gusot sa kanyang kaibigan na si Martin Castro. 

Hindi na nakita ni Ang si Claudine matapos iyon, ani Ang. 

"That was 10 years ago, eight years ago? Ganoon katagal. Hindi ko na nakakasama si Claudine," ani Ang. 

Sumagot din si Ang sa mga bintang ni Marjorie na "inagaw" siya mula kay Nicole. 

"Unang-una, walang agawan, dahil hindi naman kami ni Gretchen," pahayag ni Ang. 

Nakilala raw ni Ang si Gretchen sa pamamagitan ng partner nitong si Tonyboy Cojuangco. 

Kalimitang nag-i-invest daw sina Gretchen at Cojuangco sa cockfighting at casino business ni Ang at madalas din daw sumama si Ang sa overseas trips ng pamilya nila. Pero iginiit ni Ang na ito lang ay dahil malapit lang siya sa pamilya. 

BUROL NG AMA

Wala aniyang plano si Gretchen na bumisita sa burol ng ama na si Miguel sa takot na magkaroon ng tensiyon. Pero dalawang beses umano itong sinabihan ng Presidential Management Staff (PMS) na pumunta kapag sumipot si Pangulong Rodrigo Duterte sa burol. 

Hindi daw nakasama si Cojuangco dahil sa iniindang sakit sa likod. 

Pinabulaanan din ni Ang ang mga paratang na nagbigay siya ng babala kay Nicole na umalis sa burol, at hiniling lang na payagang bumisita si Gretchen nang walang gulo. 

Si Nicole umano ang nagsabi, sa pamamagitan ng anak ni Ang na huwag nang pumunta sa burol.

Sinabi ni Ang na tumanggi si Marjorie na sumunod sa hiling ni Duterte na makipagkamay ito kay Gretchen. Makalipas ang ilang minuto nagkasagupaan na umano sina Marjorie at Claudine. 

Dito na umano namagitan si Ang. 

"Ang ginawa ko, noong nakita kong nagkagulo, hinawakan ko si Claudine. Sabi ko, 'Clau, tigil.'"

Pinabulaanan din ni Ang na sinubukan niyang hilahin si Marjorie. 

"Kung sinabi mong hahablutin kita, matinong tao ako. Sa harap ng Presidente, mananakit ako ng babae? Atsaka hindi ako nananakit ng babae, wala sa ugali ko 'yon," aniya. 

HOLDING HANDS? 

Sumagot din si Ang sa lumabas na retrato nila ni Gretchen na magkahawak ang kamay habang natutulog sa eroplano. Aniya, "kapatid" lang ang turing niya kay Gretchen.

"Kasi si Gretchen parang kapatid ko 'yan. Sabi ko inaantok na ako. Kasi ang daming sinasabi, kasi makuwento iyan eh. 'Yan 'yung sabi ko, 'G (Gretchen),' tapos [ibinaba] ko nga 'yung kamay niya. Sabi ko, 'tama na, tulog muna ako.' Siguro stewardess 'yung kumuha ng picture, hindi ko itinatanggi iyan," kuwento ni Ang. 

Sinabi ni Marjorie sa naunang panayam na takot siya sa mga naging "rebelasyon" niya ukol kay Ang. Pero tiniyak ng negosyante na walang dapat pangambahan si Marjorie. 

Nanindigan din si Ang na hindi niya ipagpapalit ang kaniyang pamilya. 

"Mahal ko ang pamilya ko. Tandaan niyo 'to. Family man ako. Wala akong bisyo. Mahal ko asawa ko, mahal ko mga anak ko, nakikita ng mga tao kumakain kami lahat, lumalabas kami, very close kami. Hindi ko ipagpapalit kahit maski kaninong babae ang pamilya ko," he said.

Sa gitna ng sigalot sa magkakapatid na Barretto nanawagan si Ang na magtulungan na lang lalo't biyuda na ang kanilang ina na si Inday at naaapektuhan na rin daw ang karera ng kanilang mga kaanak. 

"Sa inyong mga Barretto, since naging parang family ko kayo, nilalahat ko na kayo: Namatay na 'yung tatay niyo. Ngayon, nag-iisa na ang nanay niyo. Magtulong-tulong na lang kayo, magbigay kayo ng pera, buhayin niyo, pilitin niyong maka-survive ang nanay niyo," ani Ang. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.