'Pasabog' tell-all ni Marjorie binulabog ang social media; Gretchen, Claudine nag-react

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 07:18 PM | Updated as of Oct 23 2019 08:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pinagpipiyestahan pa rin sa iba't ibang sulok ng Pilipinas ang panayam kay Marjorie Barretto noong Martes kung saan idinetalye niya ang nangyaring insidente sa pagitan niya at mga kapatid na sina Claudine at Gretchen.

Maaalalang nagkaengkuwentro ang Barretto sisters sa lamay ng kanilang ama noong nakaraang linggo, na nataon pa sa oras kung kailan dumalaw si Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa panayam kay Marjorie, sari-saring pasabog ang binunyag nito at isa-isang pinasinungalingan ang mga naunang pahayag ng mga kapatid na sina Claudine at Gretchen.

Aniya, sa panig nina Claudine at Gretchen nagsimula ang "bastusan" sa burol ng kanilang ama na si Miguel.

"I wasn't the one with nervous breakdown... I was sitting quietly with the President on the left side of the chapel, exchanging pleasantries… We ended well, habang si Gretchen nakikipagbugbugan doon," sabi ni Marjorie.

"Siya ang gumawa ng gulo. Hindi ako. I respect my father," dagdag nito.

Umamin si Marjorie na mainit na ang ulo niya nang dumating sa lamay si Gretchen kasama ang negosyanteng si Atong Ang, na aniya'y "boyfriend" ni Gretchen.

Ani Marjorie, nabastos daw sila dahil pinaaalis ni Ang ang pamangkin nilang si Nicole, na dating nobya ng negosyante bago umano "agawin" ni Gretchen. 

"Parang sampal naman sa pagmumukha niya 'yon... That was not the place to do that," sabi ni Marjorie. 

Sa pagtatapos ng panayam, sinabi nitong pinagdarasal niya ang "healing" ni Gretchen para matigil na umano ang kasamaan nito.

"This evilness has to stop! It has to stop! Gusto kong ibalik ang tanong kay Gretchen: Kailan ka ba mapapagod? I sincerely pray for healing," tila pagmamakaawa ni Marjorie sa ate na si Gretchen. 

Watch more in iWant or TFC.tv

GRETCHEN AT CLAUDINE PUMALAG

Matapos maipalabas ang interview kay Marjorie, hindi nagpatinag si Gretchen sa pagpo-post sa kaniyang Instagram ng sari-saring sagot.

Sa kaniyang Instagram Stories, patuloy ang pag-share ni Gretchen ng mga komento ng netizens pabor sa kaniya at mga panlalait kay Marjorie at anak nitong si Julia.

Sinabihan niya rin ang kapatid na mag-relax at paranoid ito sa paglabas ng galit niya on-air.

"Ikaw na ang mabuting anak. Ikaw na ang lahat... I'm longing for the peace you radiate ate Marjorie Baldivia-Itchy Very Goooood," ani Gretchen. 

Si Claudine naman, pinasinungalingan ang mga paratang ni Marjorie na sa kaniya nagsimula ang gulo sa burol.

Aniya, kalmado niyang sinita si Marjorie kung bakit nito ayaw makipagbati kay Gretchen sa kabila ng hiling ni Duterte. 

Dagdag pa ni Claudine, nagkasakitan pa sila ni Marjorie kinabukasan matapos siyang paringgan nito kaugnay ng kaniyang anxiety disorder. 

"Sabi niya, 'ano lalaban ka? Lalaban ka?' so tumayo ako. Sabi ko, 'oo, lalaban ako.' Dinuro niya ako sa ulo. Ayun na, sinampal ko talaga siya. Nagsabunutan kami," pag-amin ni Claudine. 

Pati si Julia ay nakisali na rin daw sa pananakit sa kaniya. 

"Kaya I don't understand 'yung [sinasabi ni Julia na] 'it's not my battlle' [kasi] it is your battle because you were the one who laid hands on the person you call mama. It's painful. Ayaw ko na sanang ilabas ito because whatever people say, my heart breaks kapag nasasaktan siya. Nasasaktan din ako. Para akong nanay na nagtatampo at nagagalit," ani Claudine.

Sa huli, sinabi ni Claudine na malabo na silang magkaayos ng kaniyang mga kapatid.—Ulat nina Mario Dumaual at Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.