'Itinataga ko sa wig ko': Vice Ganda nangakong nakakatawa ang pelikula nila ni Anne

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 01:04 PM

MANILA -- Bigay-todo si Vice Ganda sa kanyang live performance para sa isang bagong endorsement. Ramdam na ni Vice ang Christmas energy at ang nalalapit na pagpapalabas sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ng pelikula nila ni Anne Curtis na "The Mall, The Merrier," na handog nila sa madlang people sa Kapaskuhan

"Siniguro namin ni Anne Curtis ng Star Cinema at ng Viva Films na madlang people pa rin ang mananalo sa Pasko. Ano ito eh, selebrasyon ito ng madlang people, sa masang Pilipino na marami pinagdadaanan sa buong taon. Kaya siniguro namin ni Anne Curtis na patatawanin namin sila sa Pasko," ani Vice.

Expect the unexpected, ayon kay Vice ang dapat asahan sa panonood ng kanilang pelikula.

"Promise po, itinataga ko sa wig ko na nakakatawa itong pelikula. Ang dami naming ginawa ni Anne Curtis na 'di niyo nakikita every day sa okrayan namin sa 'Showtime.' Lalo na si Anne. Sabi niya nga, 'nakakaloka parang nagpapakilala lang ako sa showbiz, ang dami kong ginawa for the first time.' Nagpababoy siya sa pelikulang ito para sa madlang people," ani Vice.

At dahil una nilang pagsasama ito sa pelikula, marami rin ang mangugulat sa cameo ng mga celebrities na hindi mabilang ni Vice kung ilan na ang nagpaunlak.

"Ang dami parang mahigit 100 artista po ang makikita. Kasi ang cameo parang 50 plus, eh 'yung stars pa lang ang dami na namin tapos 'yung cameo ang dami pa. Pinakasimple naming mga cameo si Ma'am Charo (Santos-Concio) at Regine Velasquez," ani Vice. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.