Vice Ganda, may binuking ukol sa mga tambalang kasama sa 'Fantastica'

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2018 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi natatapos sa harap ng kamera ang pagiging sweet ng tatlong love teams na kasama ni Vice Ganda sa pelikulang "Fantastica," sabi ng komedyante.

Ayon kay Vice, may kilig factor na naiaambag ang mga love team nina Kisses Delavin at Donny Pangilinan, Loisa Andalio at Ronnie Alonte, at Maymay Entrata at Edward Barber sa kaniyang pelikula.

"Iba 'yong feels na nabibigay nila doon sa pelikula kasi siyempre 'yong masyadong pagpapa-'bebe' at pagpapa-sweet, parang masyado nang maaskad sa pagmumukha ko at sa edad ko," sabi ni Vice sa panayam ng ABS-CBN News.

Pero tila nauuwi na raw sa totohanan ang "kilig" sa pagitan ng mga magka-love team.

"Ang sarap nila panoorin at saka tumatagos 'yong harot, 'yong kilig kasi totoo, 'di sila umaarte," ani Vice.

Bukod sa tatlong love teams, kasama rin sa star-studded cast ng "Fantastica" sina Richard Gutierrez at Dingdong Dantes, na gaganap bilang mga leading men ni Vice.

Ang "Fantastica" rin ang una raw beses na sasabak si Vice sa isang pelikulang may temang fairy tale.

"May mga hari, may mga reyna, may mga prinsipe, may mga prinsesa, ganoon. Pam-'bagets' tapos makulay na makulay talaga siya," aniya.

--Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.