'Sulitin ang buhay': Pagtatapos ng 'Nang Ngumiti Ang Langit' hitik sa aral

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 01:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Puno ng pagmamahal, kasiyahan at aral ng buhay ang naging pagtatapos ng seryeng "Nang Ngumiti Ang Langit" nitong Biyernes, Oktubre 18.

Matapos makipaglaban para sa kanyang buhay, nagawang makaligtas ni Mikmik (Sophia Reola) sa kamatayan at bumalik sa kanyang amang si Michael (RK Bagatsing).

Pero bago ang kanyang paggising, una nang ipinakita ang pakikipag-usap ni Mikmik sa kanyang yumaong inang si Ella (Kaye Abad).

Sa kanilang pag-uusap, pinaliwanagan ni Ella na kailangan nang bumalik ni Mikmik sa kanyang ama at sa mga taong nagmamahal sa kanya.

"Bunso, sulitin mo ang buhay. Yakapin mo ng buong puso ang buhay mo at mga taong nagmamahal sa iyo. Sulitin mo, sulitin mo ang oras mo," ani Ella kay Mikmik.

Sinabi rin ni Ella na gusto niyang maging masaya si Michael sa piling ni Grace (Shaina Magdayao).

Sa kanyang paggising sunod-sunod na ang magagandang pangyayari sa kanyang buhay.

Una na rito ang panganganak ng kanyang Tita Ruth (Matet de Leon) sa isang batang babae na pinangalanan nilang Ella, isinunod sa pangalan ng ina ni Mikmik; ang pakikipagkasundo ni DoΓ±a Divina Salvador (Pilar Pilapil) sa mga Villaluna; at ang paghingi ng tawad ni Katrina sa kanyang mga anak dahil sa mga kasalanang ginawa niya kay Mikmik.

"Sana nakinig ako sa inyo para alam niyo na may consequences lahat ng actions natin. Para alam niyo na hindi nananalo ang bad at ito ang consequence ni Mommy," ani Katrina na dinalaw ng kanyang mga anak sa kulungan.

Nagtapos ang serye sa pagdiriwang ng kaarawan ni Mikmik kasama ang kanyang mga minamahal.

Sa Twitter, gamit ang #NNALHeavenlyFinale nag-trending at pinag-usapan ang pagtatapos ng "Nang Ngumiti Ang Langit" na nagsimulang umere noong Marso 25.